KAPAG may nagtatanong kung hanggang saan na ang progreso sa paglutas ng problema sa trapiko, iisa ang tono ng tugon:

Pagkikibit-balikat na may kabuntot na “walang pagbabago”. Ang kapani-paniwalang barometro sa traffic situation sa Edsa at sa iba’t ibang lansangan sa Metro Manila ay nakaangkla sa patutsada kamakailan ni House Speaker Pantaleon Alvarez: “Natutulog sa kangkungan”.

Ang naturang pahayag ay maliwanag na nakaukol sa Department of Transportation (DoTr) na pinamumunuan ni Secretary Art Tugade; kasama na rito ang iba pang attached agencies na tulad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO), Metro Manila Development Authority (MMDA) at maging ang mga local government units na katuwang din sa pamamahala ng trapiko.

Nangangahulugan na hanggang ngayon ay tutulug-tulog ang nabanggit na mga ahensiya sa paglutas ng nakapanggagalaiting traffic problem na matagal nang itinuturing na peste ng nakalipas na mga administrasyon.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Marami nang pagtatangka na ito ay lutasin subalit marami ring pagkakataon na sila ay nabigo.

Katunayan, maging ang kasalukuyang pangasiwaan ay halos matuliro na sa paghahanap ng epektibong solusyon sa nabanggit na nakadidismayang pagsisikip ng trapiko. Halos buong puwersa ng Highway Patrol Group (HPG) ay paulit-ulit nang itinalaga sa kahabaan ng Edsa at sa iba pang pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Sa unang bulusok, wika nga, biglang bumilis ang daloy ng trapiko at mistulang nagpakitang-gilas ang mga motorista sa pagsunod sa traffic laws; kabilang na ang mga bus na walang pakundangan sa pagpapaharurot ng kanilang mga sasakyan.

Maging ang mga tauhan ng MMDA ay tila nangilin sa pangungulimbat at pagbubulag-bulagan sa pagsasamantala ng mga naghambalang mga sasakyang kolorum.

Sa kalaunan, hindi lamang bumalik ang katigasan ng ulo ng mga motorista kundi naging masahol pa sa dati ang pagsisikip ng trapiko. Talagang walang pagbabago.

Ngayon, plano namang alisin ng mga awtoridad ang number coding sa Edsa; nais ding pagbawalan sa naturang lansangan ang mga pribadong sasakyan tuwing peak hours. Maliwanag na hubad sa lohika ang naturang mga balak.

Huling baraha na lamang, wika nga, ng DoTr ang pagpapatibay ng Emergency Power para kay Presidente Duterte na magbibigay sa kanya ng kapangyarihan upang lutasin ang problema sa trapiko.

Nakalulungkot na ang naturang panukalang-batas ay pinatatawing-tawing pa ng mga mambabatas.

Naniniwala ako na matutuldukan nito ang malubhang traffic problem.

Ang lahat ng remedyo sa trapiko ay maliwanag na nananatili pang produkto ng imahinasyon ng administrasyon.

(Celo Lagmay)