Nagtamo ng mga sugat sa katawan ang isang binatilyo nang pagsasaksakin matapos mabigong bayaran ang kanyang utang sa Tondo, Maynila nitong Miyerkules.

Kinilala ang biktimang si Ricky Ferrer, 31, construction worker, ng Building 15, Aroma Compound, Tondo, Maynila.

Tumakas naman ang suspek na kinilalang si Al Ong, nasa hustong gulang, ng Aroma Compound, Barangay 105, Tondo, Maynila.

Sa ulat ni Police Supt. Redentor Ulsano, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 1, dakong 12:20 ng tanghali nangyari ang pananaksak sa harapan ng bahay ng biktima.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Ayon kay Ferrer, bago ang insidente ay nangutang siya ng P50 sa kanyang kapitbahay na si alyas “Dodong”, malapit na kaibigan ni Ong, ngunit nabigo siyang bayaran ito sa takdang panahon na ipinangako niya.

Dahil dito, kinumpronta umano siya ni Ong na nauwi sa mainitang pagtatalo at pananaksak.

Bagamat nagtamo ng ilang tama ng saksak sa katawan ang biktima ay nagawa pa rin niyang magtungo sa Gat Andres Bonifacio Memorial Hospital upang magpagamot at ngayon ay nasa mabuti nang kalagayan.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga tauhan ng Smokey Mountain Police Community Precinct para maaresto ang suspek. (Mary Ann Santiago)