Nagtungo kahapon sa National Bureau of Investigation ang mga kamag-anak ng umano’y drug pusher na ‘bumangon mula sa pagkamatay’ upang humingi ng hustisya sa nangyari sa biktima noong Martes ng madaling araw.

Ayon sa ina ni Francisco Maneja Jr., na tumangging magpabanggit ng pangalan, walang katotohanan na nadakip si “JR” sa buy-bust operation o kaya’y may police asset na nagbigay ng P500 sa mga biktima kapalit ng ilegal na droga.

“Wala pong katotohanan ‘yung sinasabi na nakuha ‘yung anak ko sa buy bust. Hindi po totoo na may asset po sila at nagbigay sila ng P500,” pahayag ng ina.

Si Jr ay nahaharap sa kasong possession of illegal drugs, illegal possession of firearms, frustrated murder.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Ayon sa mga kamag-anak ni JR, na patuloy na nagpapagaling sa Manila Hospital, isang lalaki ang sumakay sa kanyang tricycle noong Lunes ng hapon at nagpahatid sa isang grocery store upang bumili ng tatlong sako ng brown rice.

Gayunman, habang papalapit na sila sa tindahan, hiniling ng pasahero na dumaan sila sa baku-bakong kalsada hanggang sila’y makarating sa PS-9.

Pagdating nila sa police station, tinakpan umano ng pulis ang mukha ni JR at dinala umano siya sa locker room ng pulisya kung saan nakilala niya si George Huggins, ang lalaking napatay ng mga pulis. Doon pinaaamin silang sila’y nagbebenta ng ilegal na droga.

Ayon sa kanyang ina, dati umanong gumagamit ng ilegal na droga si JR ngunit pinagdiinan niyang hindi ito nagbebenta ng droga. Isang taon na rin umano nakalilipas nang tumigil ito sa paggamit.

Sinabi ni JR na inutusan sila ng mga pulis na magpaputok ng baril. Hindi rin umano humawak ng baril si JR ngunit kinuha ito ni Huggins. Bago umano sila lumabas, inabutan umano si JR ng itim na jacket at ipinasuot sa kanya na naglalaman umano ng baril at ilegal na droga ang mga bulsa.

Sumakay umano sina JR, Huggins at tatlo pang pulis sa tricycle at nagtungo sa Aldecoa Street kung saan nangyari ang insidente.

“Hindi po nanlaban ang anak ko, wala pong katotohanan yun. Yung pangalawang baril sa anak ko, sinalag na lang po niya yung braso niya kasi sa ulo na daw po ang tama noon,” ayon pa sa ginang.

At doon na nagpanggap na patay si JR hanggang sa magkumpulan ang mga tao at dumating ang media nang siya’y bumangon at itinaas ang mga kamay.

“Hinihiling po namin na sana sa iba nalang dalhin ‘yung anak ko ‘wag na lang sa presinto 9. Dahil wala na po kaming tiwala sa mga pulis doon,” ayon sa ina ni JR. (ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS)