Record ng 25 atleta sa WADA, na-hack uli; ibinandera sa on-line.

MONTREAL (AP) — Ipinahayag ng World Anti-Doping Agency na muling na-hack nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila) ang kanilang database at muling ibinandera nang tinaguriang ‘Fancy Bears’ sa publiko sa pamamagitan ng on-line ang confidential record ng 25 atleta mula sa walong bansa.

Ayon sa WADA, ang ‘cyber-hackers’ ay isang grupo ng Russian IT expert na nagnanais na gantihan ang ahensiya bunsod ng rekomendasyon nito na i-banned ang buong athletics team ng Team Russia sa nakalipas na Rio Olympics.

Kabilang sa confidential record na inilagay sa ‘public domain’ ng grupo ang medical record ng 10 atleta mula sa United States, lima mula sa Germany, lima sa Great Britain at tig-isa mula sa Czech Republic, Denmark, Poland, Romania at Russia.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Tumanggi ang WADA na pangalanan ang mga naturang atleta.

Matatandaang Inirekomenda rin ng WADA sa International Olympic Committee (IOC) ang total ban para sa lahat ng Russian athletes sa Rio Games, ngunit ibinasura ito ng Olympic body at sa halip ay ibinigay ang desisyon sa kani-kanilang international sports federation.

Nag-ugat ang desisyon ng WADA matapos ipasara ang state-run drug test laboratory ng Russia bunsod ng paglalahad ni dating Russian runner Yuliya Stepanova na kasabwat ang opisyal ng pamahalaan para dayain ang drug test results ng mga Russian athletes, higit yaong mga sumabak sa Sochi Winter Games noong 2014.

Nitong Martes (Miyerkules sa Manila), isinapubliko ng ‘Russian cyber-hacker’ ang confidential medical data nina Rio Olympic gold medal-winning gymnast Simone Biles, seven-time Grand Slam champion Venus Williams at iba pang US Olympians.

Nakasaad sa record ng WADA na binigyan ng "Therapeutic Use Exemptions" (TUEs), ang mga naturang atleta. Ang TUEs ay pagpayag sa mga atleta na gumamit ng gamot na kasama sa mga ipinagbabawal ng WADA dahil sa pangangailangan sa kanilang karamdaman.

Ipinahayag ng ‘Fancy Bears’ sa kanilang website nitong Martes na ginawa nila ang pag-hacked sa WADA record para ipakita sa buong mundo kung paano namamanipula ang resulta sa Olympics.

"We will start with the US team which has disgraced its name by tainted victories," pahayag ng grupo.

Iginiit naman ng IOC na walang nilabag na proseso at regulasyon ang mga atleta at ang pagpayag ng WADA para sa TEUs.

"We strongly condemn such methods which clearly aim at tarnishing the reputation of clean athletes."

"The IOC can confirm however that the athletes mentioned did not violate any anti-doping rules during the Olympic Games Rio 2016," ayon sa IOC.

Nakikipagtulungan na umano ang WADA sa iba’t ibang ahensiya, kabilang ang FBI para matunton at mapigilan ang grupo.