JOLO, Sulu – Kasabay ng paghimok sa mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na piliing sumuko sa militar, nagbanta si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Ricardo Visaya sa patuloy na pagtugis sa bandidong grupo “until all of them are neutralized”.

“Those Abu Sayyaf Group members who want to surrender, the Armed Forces of the Philippines will accept them, provided that they will release their hostages,” sinabi ni Visayas nitong Sabado, sa ikalima niyang pagbisita sa mga sundalo sa Sulu simula nang maluklok sa puwesto.

Babala ni Visaya, kung hindi pipiliin ng mga bandido ang daan sa kapayapaan “our soldiers will hunt them down and pursue them until all of them are neutralized.”

Nilinaw din niya na “[there is] no deadline given on how long the focused military operations will last in the province. We will hunt and pursue them as long it is needed.”

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sa pagsisimula ng operasyon ng militar laban sa Abu Sayyaf nitong Agosto 29, sinabi ng AFP na sa kabuuan ay 59 na bandido na ang napapatay—32 sa Sulu at 27 sa Basilan—habang 18 sundalo naman ang nalagas sa labanan, bukod sa 28 iba pa na nasugatan.

EVACUEES KUNWARI

Kasabay nito, nagbabala ang AFP sa pamunuan ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa posibilidad na humalo at magpanggap na evacuees ang mga miyembro ng Abu Sayyaf para matakasan ang militar sa Sulu.

Ito ay kasunod ng pagbibigay ng ARMM ng relief goods at tulong medikal sa nasa 4,000 pamilya na naapektuhan ng bakbakan sa Sulu, at tumutuloy ngayon sa mga evacuation center.

Batay sa report, dapat na mag-ingat ang mga lokal na pamahalaan sa pagkakaloob ng pagkain, gamot at mga gamit sa evacuees at tiyaking hindi ang Abu Sayyaf ang makikinabang sa mga ito. (Nonoy Lacson at Fer Taboy)