PAGKATAPOS umabot sa 7 times Platinum Record Award ang first album ni Alden Richards sa GMA Records na Wish I May, nakatakda na ring i-release ang second album niya.
Nauna nang ipinarinig sa Barangay LS stations ang first single niyang Rescue Me na maraming pumuri dahil maganda ang lyrics at ang pagka-record ni Alden. May nagbiro nga kung kanino raw nagpapa-rescue si Alden, kung sa ka-love team niyang si Maine Mendoza. Inspirational/love song ang Rescue Me.
Hindi nakapagtataka na maganda muli ang lyrics ng bagong single ni Alden dahil ang sumulat nito ay si Agat Obar-Morallos na siya ring sumulat ng first single niya of the same title ng album niyang Wish I May. May mga nagtanong kung may ka-duet daw si Alden sa song, pero hindi pala, si Agat din ang back-up vocals niya na maganda rin ang boses.
Katunayan, magri-release din ng sarili niyang album si Agat ngayong taon.
Marami na agad ang nagtatanong kung kailan magiging available ang Rescue Me, at ayon sa GMA Records, maaari na itong ma-download sa lahat ng digital stores (iTunes, Google Play, Amazon, at iba pa) worldwide simula sa Setyembre 9.
May pres-selling na rin ang album na may title na Alden Say It Again sa iTunes simula sa Setyembre 9. Sa Oktubre 10 iri-release ang album, pero wala pang definite date ang formal launch. Sa mga nagtatanong naman kung kailan puwedeng mag-pre-order ng album, lalo na ang fans ni Alden abroad, wait na lamang daw kayo ng announcement.
“Maraming-maraming salamat po sa lahat ng mga nakagusto ng first single ko,” sabi ni Alden nang makausap namin.
“Maraming salamat din sa GMA Records na muli nila akong pinagtiwalaang bigyan ng second album. Sisiguraduhin po naming magugustuhan ninyo ang iba pang tracks ng album.” (NORA CALDERON)