Patay ang isang tauhan ng Philippine Army habang siyam na iba pa ang nasugatan makaraang sumabog ang isang granada sa kasagsagan ng bomb demonstration training sa headquarters ng 12th Regional Community Defense Group ng Army Reserve Command (ARESCOM) sa General Santos City, nitong Lunes ng hapon.

Pasado 6:00 ng gabi nitong Lunes nang tuluyang bawian ng buhay si Technical Sergeant Pablo M. Balansag, isang Army reservist mula sa Sarangani, habang ginagamot sa SOCSARGEN Hospital.

Nasugatan naman sina Technical Sergeants Bonifacio C. Soriano, ng General Santos City; Rolando L. Canoro, ng Polomolok, South Cotabato; Sgt. Norjan G. Salik, ng Cotabato City; Corporals Jonard C. Barlizo at Micheal P. Camus, kapwa taga-GenSan; Private First Class Ramon S. Baylon, ng GenSan; Jovito D. Besanab, ng Sarangani; Abdul Basser U. Lumangal, ng Upi, Maguindanao; at Private Francisco T. Martinez.

Sinabi ni Army Spokesman Col. Benjamin Hao na batay sa mga ulat na kanyang natanggap, nangyari ang aksidente dakong 4:20 ng hapon nitong Lunes sa classroom ng headquarters ng 12th (RCDG) ng ARESCOM sa Purok V, Asinan, Barangay Buayan, General Santos City.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kuwento ni Hao, nagtuturo sina Soriano at S/Sgt. Romeo C. Espenorio, kapwa instructor ng Explosives and Ordnance Disposal (EOD) Unit, sa mga reservist alinsunod sa Explosive Ordnance Reconnaissance Agent (EORA) Training nang aksidenteng sumabog ang granada.

Iniimbestigahan na ang aksidente, ayon kay Hao. (Francis T. Wakefield)