MASAYA si Janice de Belen sa desisyon ng anak niyang si Inah de Belen para pasukin na rin ang mundo ng showbiz at sundan ang mga yapak niya.
Aniya, kaedad siya ni Inah noong magsimula rin siya sa industriya.
“Siyempre, bilang nanay, sino ba ang hindi matutuwa dahil may trabaho na ang anak mo?” sey ni Janice.
Naging isyu ang paggamit ng anak niya ng apelyido niya bilang screen name, pero agad nilinaw ni Janice na maayos itong napag-usapan ni Inah at ng ama nitong si John Estrada.
Napakarami na raw kasing may apelyidong Estrada sa showbiz.
“Actually naman, eh, silang mag-ama ang nag-usap tungkol diyan. Mukhang sa umpisa nga parang hindi niya gusto kasi hindi nga Estrada ang gagamitin ni Inah pero naging okey naman dahil naayos nila. So, I guess, he understood. Hindi naman kasi totoong buhay, screen name nga lang naman,” sabi ng premyadong aktres.
Samantala, walang anumang problema si Janice sa muli ring pagbabalik ABS-CBN ni Aga Muhlach.
“Sa totoo lang, eh, hindi naman problema sa akin ‘yan. Na kay Aga ‘yan, ako pa ba ang tatanggi?
Kumbaga, kailan ba naman ako nag-inarte pagdating sa trabaho? Walang problema sa akin pagdating d’yan,” lahad ng aktres tungkol sa ama ng kanilang anak na si Igi Boy.
Lahad pa rin ni Janice na gumaganap na ina ni Erich Gonzales sa top-rating morning seryeng Be My Lady, magkasama naman sila ngayon ni Priscilla Meirelles sa naturang serye na alam ng lahat na asawa ng dating husband niyang si John Estrada.
“Civil naman kami. Okey naman, pero hindi naman ‘yung super mag-uusap talaga. Aminin na natin, medyo weird din naman kung magkatsikahan kami nang matagal. Kasi hanggang kamustahan lang medyo limitado,”sey pa rin ni Ms. Janice De Belen. (Jimi Escala)