Muling naiangat ni Patrick John Tierro ang kampeonato ng PCA matapos idispatsa si Davis Cup veteran Johnny Arcilla sa straight set sa 35th Philippine Columbian Association Open-Cebuana Lhuillier men’s tennis tournament kamakailan sa Plaza Dilao.

“Sumugal lang ako sa bawat shots ko. It’s either make or break. Hindi kasi pwedeng magpadala sa pressure, hindi pwedeng push lang ng push, kailangan na maging aggressive. And I’m happy na nag-work ang game plan ko,” pahayag ni Tierro, naging kampeon dito noong 2014.

Kaagad na nadomina ni Tierro ang tempo ng laro para sa 3-0 bentahe at matikas na napigilan ang bawat pagtatangka ni Arcilla na mabasag ang kanyang depensa.

Tatay kay Karl Eldrew: 'Tahimik mong ipanalo mga pangarap mo, dito kami ng Mama mo!'

Nabigo si Arcilla sa pagtatangka na maiuwi ang ikasiyam na titulo sa torneo na ipinapalagay na major tournament sa local tennis.

“Maganda naman ang inilaro ko pero mas maganda ang laro niya. Talagang maganda ang placing niya ng bola. Marami akong errors ngayon,” sambit ni Arcilla.

Naiuwi ni Tiero ang P50,000 premyo, habang naibulsa ni Arcilla ang P25,000 sa torneo na suportado ng Dunlop, Whirlpool-Fujidenzo, Chris Sports, Mary Grace, Aseana City, PVL Restaurant, Maverick, Compass, Babolat, Just Jewels, Rexona, Palm Rock, Coca Cola Femsa Philippines, Pearl Garden Hotel, Pearl Lane Hotel, Sen. Manny Pacquiao, L&M, Broadway Motors, Stronghold Insurance at Monte.

Nakabawi naman si Arcilla nang magwagi ang tambalan nila ni Ronard Joven kontra kina Elbert Anasta at Mark Anthony Alcoseba, 6-3, 6-3, sa doubles event.