Mga Laro Ngayon

(Smart-Araneta Coliseum)

4:15 n.h. -- Globalport vs TNT

7 n.g. – SMB vs Meralco

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nadungisan ang dangal ng Katropa. At kung hindi maibabalik ang kumpiyansa ng koponan, matitikman nila ang unang back-to-back na talo sa 2016 OPPO-PBA Governors Cup.

Haharapin ng Talk ‘N Text Katropa ang Globalport Batang Pier, target na mabawi sa maagang pagkakataon ang katatagan na nasubok sa kabiguang natamo sa kamay ng Mahindra Enforcers kamakailan.

Naputol ang impresibong six-game winning streak ng Katropa nang maungusan ng Enforcers, 105-107.

Laban sa rumaratsadang Batang Pier, galing sa matikas na 101-99 panalo kontra Rain or Shine nitong Sabado sa Albay Dome sa Legazpi City, inaaahang magiging mahirap ang biyahe ng Katropa.

Dahil sa panalo, umangat ang Batang Pier sa 3-4 karta.

Magkukrus ang kanilang landas ganap na 4:15 ng hapon.

Sa tampok na laban sa ganap na 7:00 ng gabi, tatangkain naman ng defending champion San Miguel Beer na makapantay sa ikalawang posisyon, sa pakikipagtuos sa Meralco.

Kasalukuyang magkasosyo ang Mahindra at Barangay Ginebra sa ikalawang puwesto na kapwa may barahang 6-2.

Kahit wala ang import na si Arizona Reid, naitala ng Beermen ang ikalimang panalo sa pitong laban makaraang igupo ang Alaska Aces sa nakalipas nilang laban.

Habang nagpapagaling sa natamong Achilles tendon injury si Reid pansamantalang papalit sa kanya bilang reinforcement si dating Barako Bull import Mike Singletary na dumating na sa bansa nitong Biyernes.

Para sa Bolts, magtatangka silang makaungos sa ikatlong puwesto. Tangan nila ang 5-3 karta matapos ang panalo sa NLEX. (marivic awitan)