OSLO, Norway – Hindi pa tapos ang trabaho para sa National Democratic Front (NDF).

Matapos lumagda sa joint statement sa 10 kasunduang nakumpleto sa unang bahagi ng negosasyong pangkapayapaan sa gobyerno rito sa Oslo, bumiyahe kahapon ang NDF panel, kasama ng mga consultant nito, patungong Utrecht, The Netherlands para sa serye ng iba pang konsultasyon.

Ito ang sinabi ni NDF Peace Panel Chairman Luis Jalandoni matapos ang paglagda sa joint statement nitong Biyernes.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

“Lahat kami dito pupunta sa Amsterdam tomorrow, and we will have consultations in our office in Utrecht. ‘Yung iba would be there up to September 2, merong September 1,” ani Jalandoni.

Paliwanag ni Jalandoni, kailangan nila ang “next four or five days together” upang pagdesisyunan ang pagbuo sa mga working committee ng NDF, na bubusisi sa 10 usaping napagkasunduan sa gobyerno.

“We will discuss kung sino ba and puwede sa ceasefire committee, kung sino ba ang sa committee on socio-economic reform, political and constitutional reform, at iba pa,” sinabi ni Jalandoni sa may akda.

Batay sa joint statement ng gobyerno at ng NDF, magkakaroon ng Reciprocal Working Committees (RWCs) sa socio-economic reforms, gayundin sa mga repormang pulitikal at konstitusyunal, pagwawakas ng karahasan at pagpapakilos ng sandatahan, at isang Joint Monitoring Committee (JMC).

Sa susunod na dalawang buwan, regular na magpupulong sa Pilipinas ang mga RWC at ang JMC para sa isang mas komprehensibong kasunduan na tatalakayin naman sa ikalawang bahagi ng usapang pangkapayapaan sa Oktubre 8-12, dito rin sa Oslo.

Kabilang sa mga nakatakdang bumiyahe patungong Utrecht ang mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon, dating chairman at secretary general, ayon sa pagkakasunod, ng CPP at New People’s Army (NPA).

Bagamat una nang nilinaw ng mga Tiamzon na agad silang babalik sa Pilipinas pagkatapos ng peace talks sa Oslo nitong Agosto 26, sinabi ni Jalandoni na walang masama kung mapalawig ang biyahe ng mag-asawa sa Utrecht dahil bahagi ito ng proseso sa negosasyon.

Samantala, nagkaloob ang Royal Norwegian Government (RNG) ng farewell dinner para sa mga delegado ng peace talks nitong Biyernes ng gabi sa Alex Sushi, isang six-star Japanese sushi restaurant sa Oslo na isa sa mga may-ari ay ang Pinoy executive chef na si Alex Cabiao. (ROCKY NAZARENO)