Ryan Lochte

US swimming star, lugmok sa dusa dahil sa Rio ‘vandalism’.

LOS ANGELES (AP) -- Tapos na ang Rio Olympics, ngunit nagsisimula pa lamang ang laban ni American swimming champion Ryan Lochte – para maibalik ang imahe na kinagiliwan ng madla at corporate sponsors.

Wala pang 24 oras matapos makabalik sa US mula sa matikas na kampanya sa Summer Games, dagok sa kabuhayan ang sumalubong sa 25-anyos na Olympic champion matapos ipahayag ng kanyang sponsors ang pagbitiw ng suporta at endorsement deal.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Sunud-sunod na nagpalabas ng opisyal na pahayag ang apat na corporate backer ni Lochte para tuldukan ang kanilang ugnayan bunsod nang insidente na kinasangkutan nito sa Rio.

Tinapos ng swimsuit company Speedo USA, clothing giant Ralph Lauren, at skin care firm na Syneron-Candela ang kanilang pakikipag-ugnayan kay Lochte. At bago matapos ang maghapon ng Lunes (Martes sa Manila), ipinahayag ng Japanese mattress maker airweave na tinatapos na nila ang kontrata sa swimming sensation.

Ipinahayag din ng Speedo USA na ang nakalaang US $50,000 na cash incentive na nakalaan sanang ibigay sa 12-time Olympic medalist ay ibibigay na lamang sa Save The Children – isang non-government institution na kumakalinga sa mga ulilang bata sa Brazil.

"While we have enjoyed a winning relationship with Ryan for over a decade and he has been an important member of the Speedo team, we cannot condone behavior that is counter to the values this brand has long stood for," pahayag ng pamosong swimsuit company.

"We appreciate his many achievements and hope he moves forward and learns from this experience."

Iginiit naman ng Ralph Lauren, gumawa ng Polo-branded attire ng US delegation sa opening at closing ceremonies, na hindi na nila palalawigin ang kontrata kay Lochte.

Tinapos na rin ng airweave ang kanilang suporta kay Lochte. Ngunit, ipinahayag ng dalawang kumpanya na patuloy nilang susuportahan ang US Olympic at Paralympic team.

Nasa pangangasiwa naman ng Syneron-Candela ang maayos na kutis at kalusugan ng American swimmer.

"We hold our employees to high standards, and we expect the same of our business partners," pahayag ng kumpanya.

Sa pamamagitan ng kanyang public relations firm, pinasalamatan ni Lochte ang Speedo USA sa ibinigay na suporta sa kanyang career, ngunit wala siyang opisyal na pahayag para sa tatlong iba pang sponsor.

"I respect Speedo's decision and am grateful for the opportunities that our partnership has afforded me over the years," pahayag ni Lochte.

Nabalot ng kontrobersiya si Lochte, kasama ang tatlong teammate sa swimming team nang ipabatid nila na naholdup sila sa isang gas station sa labas ng Olympic Village sa Rio.

Ngunit, sa pagsisiyasat ng pulisya, lumabas na gawa-gawa lamang ni Lochte at nina Jack Conger, Gunnar Bentz, at Jimmy Feigen ang istorya para mapagtakpan ang kanilang ginawang ‘vandalism’ sa naturang lugar.

Pinigil ng awtoridad ang mga sangkot na makauwi pabalik sa US ng ilang oras, bago umamin si Lochte sa kanilang kasinungalingan at kaagad na humingi ng paumanhan at idinahilan na lango sila sa alak nang maganap ang insidente.