Bagamat dumaan din sa samu’t-saring pagsubok, naging matatag ang Arellano University at napanindigan ang kanilang katayuan na isa sa mga paborito sa 92nd NCAA seniors basketball tournament sa pamumuno ng prized playmaker na si Jiovani Jalalon.

Pinatunayan ng 5-foot-10 na si Jalalon ang kanyang pagiging lider ng Chiefs matapos pangunahan ang koponan sa dalawang kumbinsidong panalo upang maitala ang six-game winning streak at manatiling nakadikit sa namumunong San Beda College.

Habang nagpakitang-gilas din at sumuporta sa kanya ang iba pang mga kakampi, partikular ang American center na si Dioncee Holts, nanatiling si Jalalon ang pangunahing lider ng koponan na pinatunayan ng kanyang mga itinalang numero na kinabibilangan ng 25.0 puntos, 7.5 assist, 4.0 rebound at 1.0 steal sa kanilang nakaraang dalawang tagumpay na nag-angat sa kanila sa barahang 9-2, isang laro lamang ang pagkakaiwan sa Red Lions na may kartadang 10-1.

 

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“He makes life easier for us,” pahayag ng 6-foot-6 na si Holts patungkol kay Jalalon, ang napiling ACCEL Quantum/3XVI-NCAA Press Corps Player of the Week noong nakalipas na linggo.

 

Itinuturing na pinakamahusay na pointguard sa collegiate ranks sa kasalukuyan, muling ipinamalas ni Jalalon ang kanyang kakayahan sa pamumuno sa naitala ng Arellano na 89-84 panalo kontra San Sebastian noong Agosto 16 kung saan siya nagposte ng personal season-high na 33 puntos, 14 dito sa kanyang itinala sa third period kung saan marami ang nahintakutan nang aksidenteng mabagok ang kanyang ulo sa court sa pakikipagtunggali sa rebound kay San Sebastian guard Jayson David.

 

“Matigas rin naman ang ulo niyan ni Jiovani. Kaya alam kong makakabalik rin siya agad,” ang may halong birong wika ni Arellano coach Jerry Codiñera.

Tatlong araw matapos ito, muling nagtala si Jalalon ng team-high 17 puntos para pangunahan ang Chiefs sa 78-69 panalo kontra St. Benilde Blazers.

Ngunit, para kay Jalalon, walang mahalaga sa kanya at makakapagsaya kundi ang makitang maganda ang nilalaro ng kanyang mga kakampi na inaasahan niyang magtutuluy-tuloy hanggang sa maabot nila ang kanilang hinahangad na muling makabalik ng final Four at kung papalarin ay hanggang Finals.

 

“Masaya ako sa mga teammates ko kasi maganda ‘yung itinatakbo ng team namin. Naka-six (straight) wins kami pero hindi pa sapat ‘yun. Marami pa kaming gagawin para mapunta kami sa goal namin,” ani Jalalon.

Tinalo ni Jalalon para sa lingguhang citation ang kakamping si Holts, Alvin Capobres ng San Sebastian College at si San Beda rookie Ben Adamos. (Marivic Awitan)