UMAKYAT ng Baguio si Kris Aquino at mga anak na sina Josh at Bimby dahil doon nag-celebrate ang Ate Ballsy ni Kris ng 61st birthday last Thursday.
Hindi sinabi ni Kris sa kanyang Instagram post kung hanggang kailan silang mag-iina mananatili sa Baguio, pero siguradong nararamdaman niya ang “ingay” ng balitang iniwanan na niya ang ABS-CBN at malamang na sa GMA-7 na siya magkaroon ng bagong show.
Kahapon, kinumpirma na ni Kris sa aming editor na ang Triple A Entertainment na ni Mr. Tony Tuviera (Mr. T) ang management company niya, kaya lumalabas na tungkol dito ang pakikipag-meeting niya kina Mr. T at Direk Mike Tuviera at hindi tungkol sa sinasabing MMFF movie na pagsasamahan daw nila ni Vic Sotto.
Pero dahil si Mr. T na ang nagma-manage sa career ni Kris, hindi nga malayong siya ang maging leading lady ni Vic sa Enteng Kabisote10 With The Abangers. Co-producer kasi ng M-Zet Productions ni Vic ang APT Entertainment na pagmamay-ari naman ni Mr. Tuviera sa nasabing pelikula. Wala pang in-announce na leading lady si Vic sa storycon ng movie.
Lalo pang lumakas ang ugong na magkakaroon ng morning show sa GMA-7 si Kris, bago ang Eat... Bulaga, dahil time slot ‘yun ng APT Entertainment. Ito ‘yung time slot na binakante ng Yan Ang Morning ni Marian Rivera.
May narinig din kaming bakante raw ang Sunday afternoon time slot ng GMA-7 na malamang daw ibigay kay Kris.
May binanggit ding “digital initiatives” si Kris kay DMB, at tungkol naman ito sa cooking o travel show na gagawin ni Kris at ipapalabas sa new media o social media na usung-uso ngayon sa US.
Dahil kasama na ni Kris sa Triple A sina Marian at Maine Mendoza, lumulutang din na may nilulutong proyekto na pagsasamahan nilang tatlo.
Nagkakagulo na ang fans sa Instagram account ni Kris dahil sa mga balitang ito. May nagpahayag ng suporta sa kanya saang network (o website) man siya magpunta. Susundan daw siya dahil ang importante sa kanila, muli siyang mapanood sa screen.
May mga nagalit din at nagbantang ia-unfollow na siya sa IG. May mga patuloy namang nakikiusap na manatili siya sa ABS-CBN.
Sa mga susunod na araw, malalaman natin ang mga detalye sa mabilis na pagkalat ng mga balitang ito. Pinatunayan lang ni Kris na kahit nakabakasyon o out of circulation siya, newsmaker pa rin siya. (NITZ MIRALLES)