Ipagbabawal sa lahat ng local government units (LGUs) ang pagbibigay ng allowance at ano mang benepisyo sa mga tauhan ng Hudikatura at National Prosecution Service na nakatalaga sa kanilang mga bayan, upang mapanatili ang judicial independence at integridad.
Sinabi ni Rep. Erlpe John M. Amante (2nd District, Agusan del Norte) na ang kanyang panukala ay hindi naglalayong balewalain ang integridad, impartiality at moral character ng mga huwes at prosecutors, partikular ang tumatanggap ng allowances mula sa LGUs.
Ayon sa kanya, hindi ito nangangahulugan na may kinakampihan o immoral ang mga ito. Ang layunin ay makalikha ng isang mekanismo para masiguro ang “judicial independence” ng mga judge at prosecutors. - Bert de Guzman