Isang pulis na nakadestino sa Camp Crame, Quezon City, na pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na gawain, ang pinagbabaril hanggang sa mapatay sa Pasig City nitong Martes ng gabi.
Malapitang binaril si Police Officer 2 Miguel C. Turaray, alyas Junior, 49, ng dalawang gunman na sakay ng magkaibang motorsiklo na minamaneho ng magkaibang driver.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nakatayo ni Turaray malapit sa kanyang bahay sa San Roque St., sa Barangay Bagong Ilog nang biglang sumulpot ang dalawang motorsiklo at pinagbabaril ng mga sakay nito.
Nang makitang bumulagta si Turaray, agad pinaharurot ng mga suspek ang kani-kanilang motorsiklo.
Ayon kay Police Senior Superintendent Orlando Yebra Jr., Pasig City police chief, hindi naka-duty si Turaray noong mangyari ang insidente.
Sinasabing sangkot si Turaray sa mga ilegal na gawain sa Bgy. Ilog at mga kalapit na lungsod at kasabwat umano ang isang “Mac Mac”.
Ayon din sa mga imbestigador, gumagamit daw ang biktima ng ilegal na droga at kabilang sa ilegal na sugal. (Jenny F. Manongdo)