Ni BELLA GAMOTEA
Sa kabila ng mga paalala ni Philippine National Police (PNP) Chief Ronald “Bato” Dela Rosa na iwasan ang pagiging mainitin ang ulo sa kalsada, hindi napigilan ng isang negosyante na magngitngit sa galit at hatawin ng kris, isang uri ng espada, ang isang estudyante na umano’y nakagitgitan nito sa trapiko sa Makati City nitong Biyernes.
Isinugod sa Ospital ng Makati ang biktimang si Mark Frederick, 22, ng No. 2700 Lamayan St., Santa Ana, Manila, sanhi ng tinamong mga sugat sa kamay.
Nahaharap naman sa kasong Attempted Homicide at Illegal Possession of Deadly Weapon si Bienvendo Maria Santos, 50, ng Princess Villa West Service Road, Muntinlupa City.
Ayon kay PO3 Ronaldo Villaranda, imbestigador ng Homicide Section sa Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), dakong 4:15 ng hapon naganap ang insidente sa Nicanor Garcia St., (dating Reposo Street), Bgy. Bel-air.
Bago umano mangyari ang insidente, minamaneho ni Frederick ang isang Pajero, at pagsapit sa nasabing lugar ay nakagitgitan niya si Santos na minamaneho naman ang isang Toyota Revo.
Ikinagalit ito ni Santos at kinumpronta si Frederick na nauwi sa mainit na pagtatalo hanggang sa kinuha ng una ang nakatagong kris sa loob ng kanyang sasakyan at walang sabi-sabing hinataw ang biktima na masuwerteng sa kamay lang tinamaan.