CEBU CITY – Kinumpirma ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Central Visayas na napatay ang umano’y kanang-kamay ng hinihinalang drug lord ng Eastern Visayas na si Rolan “Kerwin” Espinosa sa isang drug operation ng pulisya nitong Huwebes ng hapon.

Sinabi ni PDEA-Region 7 Director Yogi Ruiz na binaril at napatay si Jolito Prak, alyas “Opao”, 47, sa isang buy-bust operation sa Sitio San Roque, Barangay Hipodromo sa Cebu City matapos umano itong bumunot ng baril.

Si Prak ay kababata at kapitbahay ni Kerwin, na nangunguna sa drug watchlist ng PDEA-7. Anak siya ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, Sr.

Ayon sa mga tauhan ng PDEA, patapos na ang buy-bust at sumignal na sa pulisya ang undercover buyer ngunit mabilis na bumunot ng baril si Prak kaya binaril siya ng mga pulis.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nasamsam ng mga awtoridad ang mahigit P350,000 halaga ng hinihinalang shabu mula sa bahay ni Prak.

Gayunman, iginigiit ng mga kaanak ni Prak na overkill umano ang naging pagpatay dito, dahil limang tama ng bala ang tinamo ng suspek.

Ayon naman sa asawang si Junita Prak, nawalan ng tatlong ngipin ang kanyang mister sa insidente, at iginiit na natutulog ito nang pagbabarilin ng mga tauhan ng PDEA.

Sinabi pa ni Junita na nawawala ang ilang alahas sa kanilang bahay matapos maghalughog ang mga awtoridad.

(Mars W. Mosqueda, Jr.)