RIO DE JANEIRO – Kung baga sa isang pangarera, may antipara sa kanyang mukha si boxer Rogen Ladon. Sa ganitong pamamaraan niya inilalarawan ang sarili na nakatuon lamang sa isang bagay: gintong medalya.

“Focus, walang ibang dapat isipin kundi ang manalo.”

“Nasa isip ko ‘yan palagi,” sambit ng 22-anyos na si Ladon, hindi sinasadya ay nagmula rin sa Bago City, ang bayang sinilangan ni 1996 Atlanta Olympics silver medalist Mansueto “Onyok” Velasco.

“Simula’t sapul, siya (Onyok) ang idol ko. Yung mahigitan ko yung silver medal niya, sobrang biyaya ito para sa akon at sa pamilya ko, siyempre laban ko para sa bayan,” aniya.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Tulad ni Velasco, sasabak sa light-flyweight class si Ladon na kaagad mapapalaban sa Agosto 6, isang araw matapos ang opening parade.

“Masaya ako pag iniisip ko ang laban,” pahayag ni Ladon.

Bukod sa kanya, sasabak din si lightweight Charly Squarez. Kapwa binibigyan ng magandang tsansa ang dalawa na makamedalya sa kanilang event.

“Nasa isip ko palagi na mananalo ako ng gold medal. Pag hindi mo kasi sinapuso yan, walang mangyayari,” aniya.

Maging sinuman ang makaharap, iginiit ni Ladon na handa siya kanino man.