Nina Aaron Recuenco at Genalyn Kabiling
Hinihintay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglutang ng 27 lokal na opisyal ng pamahalaan na sangkot umano sa illegal drug trade, gayung ang mga ito ay inabisuhan na at isinasailalim na sa proseso ng mga awtoridad.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief, Director General Ronald dela Rosa, mas mainam na hindi pa pinapangalanan ni Pangulong Duterte ang mga nasa listahan upang mabaliw umano ang mga ito at lumabas sa kanilang lungga.
“The more that it is being delayed, the more that they will continue thinking about it, have sleepless nights about it, become paranoid about it,” ani Dela Rosa.
“They have been doing that to a lot of their victims, it’s payback time,” dagdag pa nito.
Sa Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na ang Department of Interior and Local Government (DILG) na ang dapat kumilos laban sa 27 local executives.
“The process has began. In other words, they will be contacted, they will be addressed, and they should respond accordingly. We will just wait for them to respond,” ayon kay Abella.
Idinagdag pa ni Abella na ang mga isinasangkot ay pwedeng magpunta kay Pangulong Rodrigo Duterte at linisin ang kanilang pangalan.
Walang ultimatum ang Pangulo laban sa mga ito, ngunit umaasa umano ang gobyerno na sasagot ang 27 local executives lalo na’t inaabisuhan na ang mga ito.
Drug lords nagpaampon sa armed groups
Samantala nakikipagkoordinasyon na ang pulisya sa militar matapos makatanggap ng ulat na nagtakbuhan na sa Marawi City ang mga drug lord.
“Right now, we were informed that a lot of drug lords form Luzon, Visayas and some parts of Mindanao are now in Marawi City, they are now hiding there,” ani Dela Rosa.
Ang mga drug lord ay kinakanlong umano ng mga armadong grupo na mahigpit namang binalaan ni Dela Rosa.
“If they would coddle them, then we will request the Philippine Air Force to bomb your place,” ani Dela Rosa.