LIMA (Reuters) – Tumaas ang bilang ng mga naaaresto sa drug smuggling at mga nasamsam na epektos sa Peru bago ang pagsisimula ng Olympic Games sa katabing Brazil, sa pagbabaon ng mga banyaga ng cocaine sa kanilang mga tiyan sa kabila ng panganib ng kamatayan upang samantalahin ang potensyal na pagtaas ng demand, sinabi ng pulisya noong Martes.
May 98 drug mule na karamihan ay banyaga ang naaresto sa paliparan sa kabiserang Lima simula nitong Enero, mas mataas kaysa nakalipas na taon, sinabi ni Luis Pantoja, hepe ng anti-narcotic police department ng Peru.
Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang 19.6 tonelada ng narcotics, karamihan ay cocaine at cocaine paste, ngayong taon, tumaas ng 25 porsiyento mula sa parehong panahon noong 2015, ayon kay Pantoja.
“If we keep that up through December, we’ll have beaten the historic record in drug seizures,” sabi ni Pantoja, idinagdag na nakasamsam din ang mga pulis ng record levels ng precursor chemicals na ginagamit sa paggawa ng cocaine.
Sinabi ni Pantoja na hindi pa malinaw kung ano ang nagtutulak ng trend, ngunit maaaring ang pagdagsa ng mga bisita sa Olympic Games ang posibleng nagpapalakas sa demand sa Brazil, ang ikalawang pinakamalaking konsumidor ng cocaine sa mundo kasunod ng United States.
Iniulat ng mga awtoridad sa Peru ang pagtaas ng drug-trafficking bago maging host ang Brazil ng World Cup noong 2014. Halos kapantay ng Peru ang Colombia bilang top producer ng cocaine sa mundo.
Naghigpit na ang Brazilian authorities sa mga hangganan bago ang pagsisimula ng Olympic Games ngayong Biyernes.