ALEPPO (CNN/BBC) – Dalawang chemical gas attack ang iniulat sa hilaga ng Syria, isa sa rehiyon kung saan pinagbagsak ng mga rebelde ang isang Russian helicopter na ikinamatay ng lahat ng sakay nito.
Sa unang diumano’y pag-atake, ibinagsak ang mga cylinder ng chlorine gas sa residential areas sa siyudad ng Saraqeb sa Idlib province, sinabi ng kontra rehimen at voluntary search-and-rescue group na Idlib Civil Defence sa isang post sa Facebook page nito.
Tinatayang 30 katao, karamihan ay mga babae at bata, ang naapektuhan. Ang chlorine gas ay maaaring magdulot ng kakapusan ng hininga at pagsusuka ng dugo sa mga biktima.
Itinanggi ng Russian at Syrian military na may nangyaring chemical attack at gawa-gawa lamang diumano ito ng media.
Sinabi ni Dr. Abdel Aziz Bareeh, nagtatrabaho sa Saraqeb, sa BBC na dalawang bariles ng chlorine gas ang ibinagsak sa bayan noong Lunes ng gabi.
“We know it’s chlorine because we were hit by it in the past and we are familiar with its odour and symptoms,” aniya.
Sa ikalawang diumano’y insidente, sinabi ng Syrian government na nagsagawa ng gas attack ang mga teroristang grupo na ikinamatay ng limang katao sa lungsod ng Aleppo nitong Martes ng hapon, ayon sa state-run news agency SANA.
“Five civilians were killed and eight others suffered suffocation due to a terrorist attack with shells containing poisonous gas,” sinabi ni city health director Mohamad Hazouri sa SANA, na iniulat na dalawa pa ang namatay at 17 ang nasugatan sa magkakahiwalay na pag-atake ng mga terorista sa lungsod ng araw na iyon.
Ang Aleppo ay halos 50 kilometro ang layo mula sa hilagang silangan ng Saraqeb.