May tiwala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa plano ng pamahalaan sa pagpapalaya kina Benito at Wilma Tiamzon, ang mag-asawang lider ng New People’s Army (NPA).
Sinabi ni Brig. Gen. Restituto Padilla, tagapagsalita ng AFP, na tiwala sila sa desisyon ng mga namumuno sa pamahalaan sa kung sinu-sino ang dapat na palayain at bigyan ng safe conduct pass para sa pagpapatuloy ng peace talk sa rebeldeng grupo.
Umaasa naman si Padilla na tutupad ang mga rebelde sa pakikipag-usap sa gobyerno tungo sa kapayapaan.
Sinabi ng AFP, na tiwala sila na hindi basta-basta papayag ang mga kinatawan ng pamahalaan sa peace talks sa lahat ng mga ilalatag ng liderato ng NPA. Gayundin na walang hihilinging mabigat na kondisyon ang CPP-NPA-NDF (Communist Party of the Philippines- New People’s Army-National Democratic Front) sa muling pag-upo ng magkabilang panig sa negotiating table.
Isa sa mga ikinatatakot ng AFP ang posibleng paghiling ng mga rebelde ng iurong ang tropa ng militar sa magugulong lugar.
Tiniyak ni Padilla ang suportado ng AFP sa muling pagbubukas ng usaping pangkapayapaan sa makakaliwang grupo.
(Fer Taboy)