RIO DE JANEIRO (AP) – Humiling ang isang governor sa pangulo ng Brazil na magpadala ng mga tropa sa rehiyon kung saan sumiklab ang mga arson attack matapos harangin ng mga opisyal ang cellphone service sa kulungan.
Sinabi ni Rio Grande do Norte Gov. Robinson Farias na 51 katao ang naaresto, karamihan ay dahil sa paghagis ng mga firebomb para magpasimula ng sunog sa mga pampublikong gusali o bus. Wala pang iniulat na namatay o nasaktan sa mga pag-atake.
Ayon kay Farias, nagsimula ang panununog matapos harangin ng mga awtoridad ang serbisyo ng cellphone sa kulungan ng estado upang masupil ang paggawa ng krimen ng mga preso na nag-uutos sa mga tao sa labas.