Pwede nang obligahin ng mga mamimili ang eksaktong sukli mula sa mga establisyemento ngayong ganap nang batas ang Republic Act 10909 o ang No Shortchanging Act.
Ayon kay Senator Bam Aquino, mapaparusahan ang mga hindi magbibigay ng sapat na sukli kahit magkano pa ito.
Aniya, sa pamamagitan ng pagbibigay ng eksaktong sukli hanggang sa huling sentimo, mapapalago ang kahalagahan ng katapatan sa lahat ng mga negosyong Pinoy, kabilang ang micro, small at medium enterprises (MSMEs).
“Naniniwala tayo na madadala at mapakikinabangan ng mga negosyanteng Pilipino ang kasanayang ito kapag lumaki at lumago ang kanilang negosyo,” wika ni Aquino.
Papatawan ang mga unang beses na lalabag ng P500 multa habang ang ikalawang paglabag ay may parusang tatlong buwang suspensiyon ng lisensiya kasama ang multang P15,000.
Sa ikatlong paglabag, ipapawalang-bisa na ang lisensiya ng tindahan at pagmumultahin pa ng P25,000.
Pinapayagan naman ng batas na magbigay ng higit sa itinatakdang sukli ang mga establisimyento kung kailangan. - Leonel M. Abasola