NAINTRIGA ang entertainment press kung bakit pinalitan na ni Myrtle Sarrosa si Maja Salvador bilang endorser ng Sisters Sanitary Napkins and Pantyliners ng Megasoft Hygenic Product Inc.
Ang paliwanag ni Ms. Aileen Go, isa sa mga may-ari at vice president for marketing ng Megasoft, dahil akmang-akma kay Myrtle ang bagong advocacy nila para sa mga estudyante.
Graduating ng Broadcast Communication at running for cum laude si Myrtle sa UP Diliman.
“This year kasi, our objective is to encourage our students na ayusin nila ang education nila, siyempre para rin sa kanila ‘yun. Siyempre ‘tong little sister (Myrtle) ko sobrang napakatalino, napakabait at talented, nasa kanya na lahat. For example, kung ako ‘yung little sister niya, I would really like someone who is a celebrity whom I really look up to.
“Sobrang natutuwa ako sa kanya kasi she was able to balance her studies and work being a celebrity at hindi lang siya basta nag-aaral, talagang running for cum laude pa.
“’Tapos may album pa siya ngayon, sobrang hanga ako kasi lahat ng songs (walong) niya, siya ‘yung nagsulat. Talagang sabi ko, I really like someone like her as a sister na siya talaga ‘yung titingnan ng lahat ng kabataan ngayon,” paliwanag pa ni Ms. Aileen.
Sister’s School Is Cool ang motto ng Megasoft ngayong 2016.
“Gusto po kasi namin ang mga kabataan ngayon na i-pursue nila ang pag-aaral nila kahit na sobrang may pinagdadaanan silang love life, financial at iba pa. Kaya tingin namin kay Myrtle ay big sister siya to all the students.”
Maayos naman pala ang dahilan kaya hindi na nila ni-renew si Maja dahil, “’Yung objective rin namin last year ay for the young professionals, kaya si Maja ‘yun. Sobrang thankful kami kay Maja dahil ‘yung sales namin ay talagang naabot, na-achieve natin ‘yung gusto nating mangyari.
“Kaya lang for this year kasi, we really opted to maximize the students naman, so naisip namin na dapat estudyante rin ang celebrity endorser,” katwiran ng VP for marketing.
Kuwento naman ni Myrtle, para sa Sister’s School Is Cool campaign ay nagpupunta sila sa mga eskuwelahan sa iba’t ibang probinsiya. Dumayo na sila ng Mindanao para sa unang Sisters’ Choice Awards sa Norala High School sa South Cotobato at Gingoog City Comprehensive School sa Misamis Oriental. Nabigyan ng assistance ang nasabing schools bilang parte ng kampanya.
After ng I Love My Sisters Mall Concerts nila sa SM Molina kahapon, nasa SM Dasma naman sila sa Aug. 6; Starmall Alabang sa Aug. 7 kasama ang Gimme 5; SM Baguio, Aug. 20, at SM Rosales Pangasinan sa Aug. 21. Makikibahagi rin sila sa Kadayawan Festival sa Gaisano Grand Mall sa Davao sa Aug. 19.
“Gusto po talaga namin ng something meaningful at gusto naming ma-recognize ang mga student na nag-i-excel sa schools nila kahit ang layo ng nilalakad nila from their house to school para lang makapag-aral. So, we really want to recognize their efforts pati rin ang mga teachers na nagsisikap talaga para maging bayani sa mga student natin.”
Inamin ni Myrtle na hindi birong hirap kung paano niya binabalanse ang pagiging artista at pag-aaral niya.
“’Yung experience ko talaga sa school and doing the same time ang showbiz, gusto ko talaga at the end of the day na mayroon ako talagang masasabi sa sarili ko na aside from doing showbiz, the things that I love, kaya ko ring i-manage ‘yung things sa school na alam ko namang in the near future ay magiging beneficial para sa akin at sa ibang tao.
“Iniisip kasi ng ibang tao na hindi natin kayang i-manage ang school, pati na rin ‘yung work. Gusto kong sabihin sa lahat na you could always manage at the same time if you really love what you are doing.
“Like a few months ago, ginagawa po namin ‘yung Super D, nag-i-school po ako ng T-TH, so ‘yung klase ko from 7AM to 7PM. Wala po akong lunch break.
“’Tapos pupunta ako sa taping ng MWF, ‘tapos ‘pag Saturdays and Sundays, doon namin ginagawa ‘yung recording ko for Ivory. So try ko po talaga na bawat second of everyday, you could always maximize it,” kuwento ng singer/actress.
Nakakabilib ang disiplina ni Myrtle sa sarili para matupad ang mga pangarap niya.
Siyempre, hindi naiwasang itanong kay Myrtle ang tungkol sa paghihiwalay nila ni Bryan Llamanzares na anak ni Sen. Grace Poe.
“You know, after a year nang maghiwalay kami, nagpapasalamat ako sa kanya. Napakarami ko po kasing natutunan sa buhay, lalo na when it comes to love issue. But at the same time, na-realize ko rin na kahit na hindi na kayo nag-uusap, wala nang communication, there will always be love.
“I must admit, galit na galit ako sa kanya dati na hindi ko maintindihan. Pero ngayon nagpapasalamat ako with all the good memories, with all the experiences, all the love na ibinigay niya sa akin. It’s really all gratefulness na masasabi ko tungkol sa kanya,” kuwento ng dalaga.
So, may closure na ang break-up nila?
“I’ve finally moved on and I’m pretty grateful na he was a chapter of my life and kinonek ko na sa next page. Kapag may love life na po ako, hindi ko itatago, sasabihin ko po sa inyo. Sa ngayon po, wala po talaga.”
Kasama ang ABS-CBN sa pinasasalamatan ni Myrtle sa magagandang nangyayari sa buhay niya.
“I’m blessed dahil hindi ako pinababayaan ng ABS, lagi po akong may work, now may album pa ako. ‘Tapos dumating po itong I Love My Sisters na bagong endorsement ko po. Pero kahit sobrang busy po, I make sure na hindi siya sasagasa sa school. It’s just a matter of prioritizing, planning and scheduling kung paano ko hahatiin ang oras ko,” say ng dalaga. (REGGEE BONOAN)