MAGSISIMULA ngayon ang Buwan ng Wika o Buwan ng Wikang Pambansa (National Language Month) sa isang flag raising ceremony. Ang taunang selebrasyon ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 1041 na nilagdaan noong Pebrero 15, 1997. Binibigyang-pugay din ng Buwan ng Wika si dating Pangulong Manuel L. Quezon na kilala bilang Ama ng Wika, na isinilang noong Agosto 19, 1878.
Ang selebrasyon ng Buwan ng Wika ngayong taon, na may temang “Filipino: Wika ng Karunungan”, ay pangungunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino sa pakikipagtulungan ng iba pang mga ahensiya ng gobyerno. Ang apat na sub-theme ay: a) Filipino: Wika ng Edukasyon at Kalinangan; b) Intektuwalisadong Wikang Pambansa, Wika ng Umuunlad na Bansa; c) Pagsasalin: Susi sa Pagtamo at Pagpapalaganap ng mga Kaalaman at Karunungan; at d) Ang Filipino ay Wika ng Saliksik.
Isa sa mga pangunahing aktibidad ngayong taon ay ang Pambansang Kongreso sa Intelektuwalisasyon ng Filipino (National Congress for Filipinos Intellectualization) na gaganapin sa Agosto 3-5 sa Teachers Camp sa Baguio City. Magsasama-sama sa kauna-unahang language congress ang mga guro, mga propesyunal, at mga eksperto sa iba’t ibang larangan upang magbalangkas ng mga konkretong hakbangin sa paggamit ng wikang Filipino sa kani-kanilang industriya.
Ipagdiriwang naman sa Gabi ng Gawad sa Agosto 19 ang ika-138 anibersaryo ng kapanganakan ni Pangulong Quezon at ang ika-25 anibersaryo ng pagkakatatag ng KWF. Igagawad ang mga pagkilala at gantimpala sa mga mananalo ng Gawad Dangal ng Wikang Filipino, Kampeon ng Wika, Ulirang Guro sa Filipino, at Gawad KWF sa Sanaysay. Magiging panauhing pandangal si Secretary Judy S. Taguiwalo ng Department of Social Welfare and Development. Ilan pang mga aktibidad ang idaraos sa buong bansa, na pangungunahan ng iba’t ibang organisasyon ng gobyerno at mga paaralan. Kabilang dito ang Lektura sa Teknikal ng Pagsasalin at Pagbuo ng Glosaryo (Sayaranao-Quiz Bowl Lecture in Technical Translation, at Glossary Development), mga paligsahan sa pagsulat, seminars, at exhibits.
Ang Filipino bilang pambansang wika ay pinagyayaman ng iba’t ibang diyalektong Pilipino sa kapuluan. Isang wikang napapabilang, ito ang nagbubuklod sa mamamayan ng bansa. Mahalaga ito sa pagpapahayag ng ating kultura at sa paglalahad ng ating mga ambisyon at pangarap bilang mamamayan. Ginagamit ito sa mga pangunahing pagtatalumpati sa publiko, partikular na sa pag-uulat sa kalagayan ng bansa. Ang mga klasiko at pinakamagagandang obra ay isinasalin sa Filipino.
Panatilihin nating buhay ang ating pambansang wika sa pagpapayaman dito. Magbasa ng mga aklat at ibang pang mga gawa sa ating lengguwahe. Gamitin ang bawat oportunidad para rito. Ating isaisip ang mgasalita ng ating Pambansang Bayani na si Gat. Jose Rizal na nagbabala: “Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda.”