MAY isang bagay na nakatutuwa sa litrato ng limang pangulo ng Pilipinas—si Pangulong Duterte at sina dating Pangulong Fidel V. Ramos, Joseph Estrada, Gloria Macapagal Arroyo, at Benigno S. Aquino III—na kuha sa pulong ng National Security Council (NSC) sa Malacañang noong Miyerkules.
Nagpapakita ito ng katatagan at pagtutuluy-tuloy ng sistema ng ating gobyerno. Maaaring si Pangulong Duterte ay isang determinadong pinuno na humakot ng boto noong Mayo 9, ngunit ipinakita niya ang kanyang kahandaan na pulungin ang mga nauna sa kanya, pakinggan ang kanilang mga pananaw, kasama ng iba pang opisyal ng bagong administrasyon at Kongreso.
Kinatawan nina Pangulong Ramos, Estrada, Arroyo, at Aquino ang 24 na taon ng kasaysayan ng Pilipinas nang hinarap at napagtagumpayan ng bansa ang napakaraming problema. Marami sa mga suliranin sa ngayon ay bunsod ng mga naganap sa nabanggit na mga taon. Ang mga opinyon ng mga dating presidente at kung paano nila napagtagumpayan ang maraming hamon ay pinakakapaki-pakinabang sa paghahanap natin ng solusyon sa ilan sa mga problema ng bansa sa kasalukuyan.
Bago pa man ang pulong sa NSC, nanawagan na si Pangulong Duterte kay Pangulong Ramos na tumulong kaugnay ng maselan nating ugnayan sa China kasunod ng desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague tungkol sa agawan sa teritoryo sa South China Sea. Kabilang ito sa mga usaping tinalakay sa NSC meeting noong Miyerkules.
Maraming iba pang mga usapin na tinalakay sa limang-oras na pulong, partikular na ang digmaan laban sa droga at ang hakbanging pangkapayapaan sa mga puwersang Moro sa Mindanao at sa mga rebeldeng Komunista. Sinabi ng pinuno ng Senado at Kamara sa pulong na nakakuha sila ng mga ideya na plano nilang isulong sa mga kapwa nila mambabatas para sa posibilidad na mapagtibay bilang batas.
Pagkatapos ng paunang pulong na ito ng National Security Council, maaaring ikonsidera ni Pangulong Duterte ang pagbuo sa isang lower working group—ang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC)—na binubuo ng mga opisyal sa ehekutibo at lehislatibo. Hindi kasapi ng LEDAC ang mga dating pangulo ng Pilipinas ngunit kabilang dito ang mga pinuno ng pribadong sektor na maaaring may mahahalagang opinyon sa mga pangunahing usapin, partikular na sa larangan ng ekonomiya.
Ang pulong ng National Security Council ay inilarawan ng mga pinuno ng Senado na makabuluhan, maraming matututuhan, mabunga, bukas sa lahat, at maging nakakaaliw. Ipinakita rito ang “inclusive politics” ni Pangulong Duterte sa pagtatrabaho, anila.
Ang pagdalo ng apat na dating presidente ang pinakamahalagang bahagi ng pulong. Ang kanilang presensiya ay simbolo ng pambansang pagkakaisa at isang indikasyon na ang administrasyong ito ay isang gobyerno ng pagkakasundu-sundo, kung paanong isa rin itong gobyernong nagsusulong ng pinakaakmang mga pagbabago.