MAY kuwento tungkol sa isang matandang gahaman sa kayamanan na nagmamay-ari ng bigating real estate holdings. Hindi nagtagal ay nagkaroon siya ng malubhang sakit.
Tumaas ang kanyang temperature ng mahigit 40 celsius. Sinuri ng doktor ang pasyente ngunit sinabi lamang nito na, “Madam, nakalulungkot mang sabihin ngunit malala na po ang lagay ng inyong mister. Posibleng hindi na siya magtagal.
Ang masasabi ko lang ay magdasal.”
Nang marinig ito ng pasyente, sinabi nito sa kanyang asawa na, “Umalis ka at maghanap ng mga taong nangangailangan ng tulong at ibahagi ang ating kayamanan. At magpunta ka na rin sa simbahan at ipagdasal mo ako na humaba pa ang aking buhay.”
Agad nagtungo ang misis sa mahihirap na pamilya at nagbigay ng malaking pera sa bawat pamilya.
Matapos nito ay nagpunta rin siya sa pinakamalapit na simbahan at ipinagdasal ang mabilis na paggaling ng kanyang mister. Ilang araw lang ay unti-unting bumuti ang lagay ng pasyente at himalang tuluyang gumaling.
Ngunit nang malaman ng matanda na ipinamigay ng kanyang misis ang malaking pera ng kanilang kayamanan sa mahihirap, nagalit ito.
“Bakit mo ginawa iyon?!” aniya. “Pero ikaw ang nagsabi na gawin ko ‘yon.” Sagot ng kanyang misis.
At sumagot naman ang lalaki, “Ngunit mahigit 40 celsius ang aking temperature, hindi mo ba alam na wala ako sa sarili? Hindi ko alam ang sinasabi ko noong mga panahong iyon!”
Maaaring nakakatawa ang naging sagot ng lalaki ngunit hindi ba tayo nagiging kagaya niya paminsan-minsan? Kahit may sapat naman tayong kayamanan, masyado natin itong sinasarili.
Sa gospel ngayong araw, sinasabi ni Jesus na, “Avoid greed in all its forms. A man may be wealthy, but his possessions do not guarantee him life.” (Fr. Bel San Luis, SVD)