Mga Laro Ngayon:
(Ynares Sports Arena)
4 n.h. -- UP vs SBC
6 n.g. -- SSC-R vs UPHSD
Sa ikalawang sunod na pagsabak sa Shakey’s V-League, inamin ni University of the Philippines coach Jerry Yee na makakuha ng karanasan ang kanyang prioridad para sa koponan.
“Same as always, working on our team lang. Although we do have internal goals set in this league, kahit papaano good finish ang habol natin, ang makapasok sa semis okey na sa amin,” sambit ni Yee.
Sisimulan ng UP ang kanilang kampanya sa Collegiate Conference ng liga sa pagsagupa sa San Beda College ganap na 4:00 ngayong hapon, sa Ynares Sports Arena.
Magtutuos namam ang NCAA rival San Sebastian College at University of Perpetual Help System Dalta sa tampok na laro ganap na 6:00 ng gabi.
Matapos ang matagumpay na kampanya sa UAAP, naglaro ang Lady Maroons sa Open Conference, ngunit hindi kasama ang setter na si Jewel Lai at nagtapos na ikaanim sa walong koponan.
Mananatili si Mae Basarte na setter ng koponan para magbahagi ng bola bilang playmaker sa kanilang mga spikers na sina Isa Molde, Justine Dorog, Diana Carlos, Kathy Bersola, at Nicole Tiamzon.
Sa kabilang dako, makakatulong naman ng Lady Red Spikers ang middle blocker na si Wenneth Eulalio bilang reinforcement.
Inaasahang mangunguna para sa San Beda ang kambal na sina Nieza at Ella Viray, George Domingo, Brandy Kramer at setter Rebecca Cuevas.
Naghahanda rin gaya ng San Beda para sa nalalapit na NCAA Season 92 ang San Sebastian College kung saan determinado silang mabigyan ng kampeonato ang reigning back-to- back MVP na si Grethcel Soltones sa final season.
“Wala kaming guest player (this conference) para ma-expose lahat para sa NCAA,” sambit ni San Sebastian coach Roger Gorayeb.