ISA sa paborito kong laro noong ako’y bata pa ay ang PULIS-PULISAN. Kapag nilalaro na namin ito, gusto naming lahat na maging bida at kapag ikaw na ang bida, siyempre dapat isa kang magaling at matapang na PULIS DETEKTIB. Sobrang iniidolo kasi ng mga kabataan noon ang mga alagad ng batas dahil sa kasikatan nila tuwing mapapalaban sa mga malalaking sindikato at maipapanalo ang mga kontrobersiyal na kaso.

Ito rin ang dahilan kaya’t dumami noon ang mga programang drama sa radio na ang bida ay gaya nina Lagalag, Agent X44 at Alyas Palos na ang ibinabandera ay ang kahusayan ng mga pulis sa kanilang trabaho. Mas madaling sumikat noon sa radio dahil mas maraming nakadikit ang tenga sa transistor.

Kalaunan, ang mga karakter na ito ay naging tampok sa mga komiks at magasin gaya ng paborito kong LIWAYWAY. Ito ang panahon kung saan ang mga alagad ng batas ay nasa mataas na pedestal ng paghanga ng mga mamamayan, lalo na ng mga kabataan. Ito rin ang panahong napakataas ng kamalayan ng kabataan sa ating kultura, sa wastong paggamit ng ating wika, paggalang sa mga nakatatanda, marubrob na pagmamahal sa kapwa at mataas na paggalang sa kababaihan.

Isa ako sa mga masuwerteng reporter na nakasama sa trabaho ang ilang grupo ng mga sikat at magagaling na pulis detektib mula sa Philippine Constabulary-Integrated National Police (PC-INP) na kilala ngayong Philippine National Police (PNP). Sa mga ahensiya ng PC-INP, ang Criminal Investigation Service (CIS) na Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na ngayon, ang ahensiyang pinakamalapit sa puso ko bilang police reporter noong dekada 80 at 90. Sa CIDG ko kasi nakita ang mataas na uri ng pag-iimbestiga ng mga pulis sa mga kasong kahit na walang mga testigo ay nahahalukay ng mga imbestigador ang katotohanan at naipapakulong ang mga may kasalanan. Sa tagal kong bumubuntot sa kanilang mga operasyon, wala akong nakita at naamoy man lang na mga pekeng engkuwentro.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Iilan na lamang silang mga nasa serbisyo pa at sa maikling panahon ay tuluyan nang mawawala sa mga kampo ng pulis ang matitinik na detektib na ito– pero ang nakakalungkot, parang wala akong nakikitang sinanay na mga bagong imbestigador para pumalit sa iiwanan nilang trabaho. Sundan sa mga susunod kong kolum ang detalye ng malalim na uri ng pag-iimbestiga ng mga pulis detektib na nasaksihan ko noon.

Contact: Globe: 09369953459/Smart: 09195586950/Sun: 09330465012 o mag-email sa: [email protected]

(Dave M. Veridiano, E.E.)