Umapela ang pamilya ng 18-anyos na tinamaan ng ligaw na bala sa killer ng siklista na sumuko na ito.
“Ikaw, alam mo naman, ikaw ang may kasalanan, kaya sumuko ka na,” ito ang pakiusap ni Eugenia Dungca, lola ng biktimang si Rocel Bondoc, estudyante ng Unibersidad de Manila, at residente ng P. Casal St., Paco, Manila.
Si Bondoc na isang ulila, ay nakaratay ngayon sa Mary Chiles Hospital matapos tamaan ng ligaw na bala na pinakawalan ni Vhon Martin Tanto.
Si Tanto na may ‘shoot to kill order’ at kasalukuyang nagtatago ay sinasabing bumaril at pumaslang sa biker na si Mark Vincent Geralde, 35.
Kotse ng suspek narekober
Natunton na kahapon ng Aritao PNP, Highway Patrol Group, katuwang ang iba pang law enforcement agency, ang kotse ni Tanto na kulay pulang Hyundai Eon.
Sa panayam kahapon kay Sr. Supt. Leumar Abugan, provincial director ng Nueva Vizcaya, namataan ang kotse dakong 5:00 ng madaling araw kahapon sa bahay ng bayaw niyang ex-marine sa Barangay Kirang, Aritao, Nueva Vizcaya.
Ang sinasabing kulay pulang Hyundai Eon ni Tanto ay nakaparada sa compound ni Jonathan Leano na isa umanong VIP security consultant sa Purok 3.
Agad na rin dinala kahapon sa Camp Crame ang sasakyan ng suspek.
RP100K patong sa ulo
Pagkakalooban ng P100,000 ni Manila Mayor Joseph Estrada ang sinumang makapagbibigay ng impormasyon o makapagtuturo sa kinaroroonan ni Tanto. (Mary Ann Santiago, Liezle Basa Iñigo at Jaime Rose Aberia