Sumumpang “not guilty” si North Cotabato Governor Emmylou Mendoza matapos basahan ng sakdal sa Sandiganbayan sa kasong graft dahil sa kuwestiyunableng pagbili ng lalawigan ng produktong petrolyo sa gasolinahan ng kanyang ina noong 2010.
Sa rekord ng kaso, inakusahan ng prosekusyon si Mendoza na hindi sumunod sa panuntunan ng pagbili ng mga produkto gamit ang pondo ng pamahalaan nang paboran nito ang kanyang kaanak at aprubahan ang pagpapalabas ng P2.4 milyong pondo upang mabayaran ang 49,526.72 litro ng krudo para sa isang road grader at apat na dump truck na ginamit sa dalawang araw na road rehabilitation project.
Gayunman, nilinaw ni Mendoza na tanging ang Taliño Shell station ang pumapayag na magpautang sa provincial government kaya doon sila nagpasok ng kontrata. (Rommel P. Tabbad)