WBO title ni Tapales, pagsanggalang sa pangungutya.
BANGKOK — Pitong taon na ang nakalilipas, ngunit malinaw pa rin sa alaala ni Marlon Tapales, ang bagong Pinoy world boxing champion, ang matalim na pangungusap ng isang dating Philippine champion na sumugat sa kanyang puso’t isipan.
Ngunit, imbes na panghinaan ng loob, ito ang ginamit niyang motibasyon upang higit na magsikap para magtagumpay sa sports na bahagi na nang kanyang katauhan.
“Struggling boxer pa ako noon nang makasama ko si Jojo Cayson sa training camp sa Japan. Sabi niya sa akin, sapat na raw na maging Philippine champion ako. Hindi raw uubrang maging world champion ako,” pahayag ni Tapales patungkol sa kaganapan kung saan sparring partner siya ni Japanese Kazuto Ioka na sinasanay noon ni Cayson.
“Hindi naman sumama ang loob ko, pero itinanim ko sa isipan ko ‘yung mga sinabi ni Cayson. Iyon ang ginamit ko para magpursige at dagdagan ang sakripisyo sa training. Sa puso at isipan ko, gusto kong maging kampeon,” aniya.
Sa edad na 24, isa nang ganap na kampeon si Tapales.
At nagawa niyang mapahanay sa listahan ng mga kampeong Pinoy sa isang dramatikong paraan.
Dalawang ulit na napaluhod si Tapales ng maalamat na Thai champion na si Pungluang Sor Singyu sa ikalimang round.
Subalit, hindi sumuko at tulad ng isang palaban na mandirigma, patuloy na lumaban ang Pinoy challenger.
Sa ika-11 round, nanaig ang lakas at determinasyon ni Tapales nang kanyang pabagsakin ang lokal hero na ikinagulat nang home crowd sa Ayutthaya City Park, sa Ayutthaya, Thailand.
Sa lakas nang patama ni Tapales sa mukha at katawan ng Thai icon, hindi na ito nakabawi at itinigil ng Puerto Rican referee ang laban, may isang minuto ang nalalabi sa ika-11 round.
“Imbes na damdamin ko ‘yung mga sinabi ni Cayson, ginamit ko itong pampalakas ng loob para patunayan na mali ang kanyang hinuha. Kaya, nagpapasalamat ako sa kanya, kung hindi niya siguro iyon sinabi sa akin baka hanggang ngayon sparring partner pa rin ako,” aniya. (NICK GIONGCO)