ANGGE copy

SA Agosto na mapapanood ang The Greatest Love ni Sylvia Sanchez at sa susunod na linggo na magsisimula ang araw-araw na taping nila. Kaya ngayong hindi pa paspasan ang trabaho, panay ang bonding ng aktres sa mga anak niya na puwede pa niyang isama sa malling, tulad ng bunsong si Xavi at ikatlong si Gela Atayde kapag walang pasok sa eskuwela.

“Oo, Reggs, kasi kapag nag-araw-araw na kami ng taping, hindi ko na makikita ang mga anak ko, pagdating ko, baka nakapasok na sila sa school o tulog na sila, paggising naman nila, wala ako o tulog ako.

“May taping naman ako ngayon, hindi lang araw-araw kaya nagagawa ko pa ‘yung mga dapat kong gawin like bayaran ng bills. Isinasama ko ang mga anak ko sa ganu’n ‘tapos pasyal-pasyal na sa mall.

Human-Interest

10 anak napag-aral sa kolehiyo ng mga magulang sa pagtitinda ng fishball, balut

“Si Gela minsan ko rin maisama kasi may pasok, ‘tapos may sarili na ring mundo. Sina Arjo at Ria (Atayde), dati ko nang hindi naisasama kasi may mga trabaho na, maliban ‘pag pag-araw ng Linggo na talagang kumpleto kaming pamilya kasi family day ‘yun at may lunch or dinner kami talaga. Nakaugalian na ‘yun kaya hindi nila puwedeng baguhin,” kuwento ni Ibyang.

Samantala, habang comatose pa rin ang manager niyang si Tita Angge (Cornelia Lee) ay ang mga kaibigan ng aktres na sina Anna Goma (dating program manager ng ABS-CBN), Bobby Casuela (matalik na kaibigan) at Jaime Santos (dating VIP Dancer) muna ang nagma-manage sa ibang talents ni Tita A katulad nina Smokey Manaloto at Ibyang.

Ang bagong talent agency ngayon nina Sylvia at Smokey ay Powerhouse Arte’ Incorporated.

Kasosyo ba siya sa nasabing talent agency?

“Hindi, talent nila ako. Mas gusto kong mag-concentrate lang bilang artista, ayoko ng may talent agency. Ang asawa (Art Atayde) ko na lang ang bahala sa negosyo. Hindi ko linya ‘yan. Umarte lang alam ko, ha-ha-ha,” katwiran ni Ibyang.

Samantala, noong nakaraang presscon ng The Greatest Love ay isinama ni Ibyang ang dalawang anak ni Tita Angge na sina Imelda at Peng.

“Gusto kong makita nila ang presscon ng The Greatest Love kasi wala ang mama nila, so sila ang representative ni Tita A. Kasi ito ‘yung pangarap namin ni Tita A, kaya gusto kong ma-witness nina Imelda at Peng lahat ng pinagpaguran namin ng mama nila,” kuwento pa ng aktres.

At walang palya ang pagdalaw ni Ibyang sa manager niya.

“Minsan halos every other day, eh, naging busy kaya nagiging twice a week. Inaalam ko kung ano kailangan, ano mga wala, kinakausap ko siya (Tita Angge), sabi ko gumising na siya agad-agad. Ipinangako ko na hindi ko sila bibitawang mag-iina, ako bahala sa kanila pati sa mga anak niya.”