Hindi man sila hinaharang ng traffic enforcers sa kalsada, huli pa rin ang 25,494 motorista na lumabag sa batas trapiko dahil sa pinaiiral na “no contact apprehension policy” ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Ayon kay Ronnie Rivera, pinuno ng MMDA no contact apprehension policy, 65 porsiyento sa nasabing bilang ay mga public utility vehicles (PUVs), kasama dito ang mga bus at pampasaherong jeep.
Samantala karamihan sa violators ay sangkot sa pagsasakay at pagpapababa ng pasahero sa mga lugar na bawal, at ang iba naman ay bumalewala sa traffic lights at traffic signs.
Sa nasabing panuntunan, ang mga lumalabag sa batas trapiko ay nakikita sa camera ng MMDA, kung saan hindi sila nilalapitan, sa halip ay aabisuhan na lamang hinggil sa kanilang violations.
Gayunpaman, kahit nakikita na ang tagumpay sa nasabing sistema, sinabi ni Rivera na hindi pa rin naaabot ang target ng MMDA hinggil sa pagsawata sa matinding daloy ng trapiko.
“The solution there really is to find a way to decrease the volume of vehicles that pass through the major thoroughfares in the NCR,” ayon kay Rivera. (Rizal S. Obanil)