Nahaharap ngayon sa kasong graft sa Office of the Ombudsman si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) chairman Erineo “Ayong” Maliksi, kabilang ang pinalitan nito sa nasabing posisyon na si Margie Juico at ilan pang opisyal ng ahensya dahil sa umano’y maanomalyang pag-upa ng equipment para sa operasyon ng lotto.

Sa 20-pahinang complaint affidavit na isinampa ng grupong Anti-Trapo Movement of the Philippines (ATM) na kinakatawan ng chairman nito na si Leon Estrella Peralta, hiniling ng grupo na maimbestigahan si Maliksi at pito pang indibidwal dahil sa paglabag sa ilang probisyon ng Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).

Bukod dito, pinaiimbestigahan din si Maliksi at iba pang inirereklamo sa umano’y paglabag sa Republic Act 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees).

Inirereklamo rin sa anti-graft agency sina Juico, incumbent PCSO general manager Ferdinand Rojas II, assistant general manager Conrado Zabella at board members Florencio Gabriel Noel, Betty Nantes, Mabel Mamba at Francisco Joaquin III.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Kasama rin sa reklamo ang mga miyembro ng PCSO Bids and Awards Committee na hindi muna pinangalanan.

Nag-ugat ang kaso sa pagpapalawak ng PCSO sa kanilang lottery Equipment Lease Agreement (ELA) sa dalawang kumpanya kung saan nagtapos ang kontrata noong nakalipas na taon, sa kabila ng kawalan umano ng public bidding sa alinsunod sa Republic Act 9184 o ang Government Procurement Reform Act.

“By merely extending the ELA, PCSO hereby limits the opportunities for the government to be able to procure the best available solutions at the most advantageous price to promote economy and efficiency,” ayon sa reklamo.

(Rommel Tabbad)