Nalapnos at halos matusta ang balat ng siyam na taong gulang na babae nang matupok ang isang dalawang baitang na bahay sa isang makipot na komunidad sa Seminary Road sa Barangay Bahay Toro, sa Quezon City, dakong 1:05 ng madaling araw kahapon.
Ayon kay Quezon City fire marshall Supt. Jesus Fernandez, ang bahay ay pagmamay-ari ni Juliet Asuncion. At ang anak niyang si Patricia ay isinugod at kasalukuyang nagpapagaling sa Quezon City General Hospital matapos magtamo ng second-degree burn sa kanang balikat.
Kumalat ang sunog, na umabot sa ikatlong alarma, hanggang sa katabi nitong bahay.
“Hindi na rin naman nagtagal yung sunog, naapula na din agad,” ayon sa fire chief.
Ayon pa kay Fernandez, aabot sa P30,000 halaga ng ari-arian ang naabo ng apoy na naapula dakong 1:33 ng madaling araw.
Base sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Fernandez na napabayaang kandila ang pinagmulan ng sunog.
“Wala silang kuryente, naputulan o ano man, kaya kandila daw ang ginamit nila,” paglalahad ni Fernandez.
(Vanne Elaine P. Terrazola)