Dahil sa pagpapabaya sa libu-libong overseas Filipino workers (OFW) na apektado ng mass layoff ng mga manggagawa sa Saudi Arabia, sinibak ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga nakatalagang opisyal ng kagawaran sa Riyadh at Jeddah.
Karamihan sa mga apektadong OFW ay hindi natanggap ang kanilang sahod sa loob ng ilang buwan habang ang ilan ay nakatanggap ng exit visa ngunit hindi makauwi dahil walang pamasahe. Nagsisiksikan ang mga ito sa temporary shelters ng ahensiya sa Saudi Arabia.
Sinabi ni Bello na ang mga nasibak na labor attaches ay mahaharap sa kasong administratibo kung hindi sila makakapagbigay ng magandang rason sa kanilang kawalan ng aksyon. (Mina Navarro)