Sinabi ni US Secretary of State John Kerry noong Miyerkules na nais ng Washington na iwasan ang anumang komprontasyon sa South China Sea, matapos ibasura ng isang international tribunal ang pag-aangkin ng Beijing sa malaking bahagi ng karagatan.
Ito ang naging pahayag ni Kerry matapos makipag-usap kay Foreign Secretary Perfecto Yasay sa Manila kung saan tinalakay nila ang malaking panalo ng Pilipinas sa arbitration case nito laban sa China.
Sinabi ng pinakamataas na diplomat ng Amerika na nais ng United States na mag-usap ang China at Pilipinas at magkaroon ng ‘’confidence-building measures’’.
‘’The decision itself is a binding decision but we’re not trying to create a confrontation. We are trying to create a solution mindful of the rights of people established under the law,’’ sabi ni Kerry.
Nagpasya ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague nitong Hulyo 12 na ang pag-aangkin ng China sa halos kabuuan ng mahalagang bahagi ng tubig ay hindi naaayon sa pandaigdigan batas. Nagalit ang Beijing sa desisyon at sumumpang babalewalain ito.
Ngunit sinabi ni Kerry na nakasilip ang United States ng oportunidad para mapayapang maresolba ng mga nag-aangkin ang iringan.
‘’We hope to see a process that will narrow the geographic scope of the maritime disputes, set standards for behaviour in contested areas, lead to mutually acceptable solutions, perhaps even a series of confidence-building steps,’’ aniya.
Ang Vietnam, Malaysia, Brunei, at Taiwan ay may inaangkin ding lugar sa South China Sea, isang mahalagang daluyan ng tubig na dinaraanan ng $5 trillion na kalakal bawat taon at pinaniniwalaang mayaman sa langis at gas.
Dumating si Kerry sa Manila noong Martes matapos dumalo sa regional summit sa Laos, at nakipagpulong kay Pangulong Rodrigo Duterte matapos kay Yasay.
Sinabi ni Kerry na hinikayat niya si Duterte na ‘’turn the page’’ sa China. (AFP)