“HABANG pinipigil lalong nanggigigil,” mga katagang madalas kong marinig sa mga nakakatanda noong teenager pa ako kapag may pasaway na mga kalaro akong pinagagalitan at pinatitigil ng kanilang mga magulang dahil sa sobrang kakulitan.
Bigla kong naalala ang pangungusap na ito noong Lunes ng hapon nang tahakin ko ang kahabaan ng Commonwealth Avenue para alamin ang kalagayan ng daloy ng trapiko sa paligid ng Batasan Complex, sa araw ng unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo R. Duterte.
Nagulat ako sa aking nakita: banayad ang takbo ng mga sasakyan kahit na may mga grupo ng raliyistang nagmamartsa patungong Batasan Complex. Walang kasing nakaharang na container van, barikadang bakal na may barbed wire, at mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa gitna ng kalsada. Sa madaling salita, walang banggaan sa pagitan ng mga pulis at militante sa lugar.
Sa mga nakaraang SONA kasi, ang buong Commonwealth Avenue ay nagmimistulang malaking parking lot dahil ‘di na halos gumagalaw ang mga sasakyan. Namamayani rin ang ingay, mainit na kantiyawan at kadalasan ay may batuhan pa, dala ng tensiyong namamagitan sa grupo ng mga militante at mga pulis.
Pero sa SONA ni PRRD nitong Lunes, nagulat ang mga raliyista nang palusutin sila ng mga pulis sa Commonwealth Avenue at iniskortan pa sila hanggang sa makarating ng halos 200 metro na lamang ang layo sa main gate ng Batasan Complex, kung saan sila nagdaos ng kanilang programa. May meryenda pa para sa mga militanteng gulat na gulat sa naging asal ng PNP sa kanila. Simple lang kasi ang utos ni Chief PNP Director General Ronald “Bato” Dela Rosa, ang pabayaang makalapit ang mga raliyista sa gate ng Batasan Complex para doon magdaos ng kanilang programa. Resulta: “Hindi sila pinigil kaya’t nawala ang panggigigil.”
Mga TIP / SUMBONG mula sa mambabasa: Nagkalat daw ang mga “fixer” sa LTO Tayuman branch. Karamihan pa raw sa mga ito ay gumagamit ng shabu pero pinababayaan lang ng mga handler nila sa loob dahil pinagkakakitaan sila; Sa kalye Tayabas sa Tundo, Maynila namamayagpag pa rin umano ang isang pamilyang tulak ng shabu at pulis pa raw ang protektor ng mga ito; Sa Phase 1 Argana, Laram sa San Pedro, Laguna ay magdamag ang pagvi-videoke at nagsusugal ang inirereklamo.
Contact: Globe: 09369953459/Smart: 09195586950/Sun: 09330465012 o mag-email sa: [email protected]
(Dave M. Veridiano, E.E.)