AYAW ng probinsiyanong Presidente na may kamay na bakal ngunit may pusong-mamon na tawagin siyang “His Excellency” o tawaging “Honorable” ng sino mang cabinet member. Masyado umano itong pormal. Ang gusto ni Mano Digong ay tawagin na lang siyang President Rodrigo Roa Duterte o President Duterte at alisin ang salitang “Excellency”, lalo na kung siya’y ipinakikila sa mga okasyon.
Talagang kakaiba ang ex-Mayor ng Davao City na biglang naging Pangulo ng bansa dahil ayaw niya ng masyadong “fanfare” o pabonggahan ‘di tulad ng ilang pulitiko na sabik na sabi na tawaging “His Excellency” o “Honorable” gayong sangkot naman sa illegal drugs, pangungurakot, at pang-aapi sa mga nasa laylayan ng lipunan.
Habang sinusulat ko ito, tapos na ang SONA (State of the Nation Address) ng unang Pangulo mula sa Mindanao na isa rin daw “Chick Boy” o “Ladies’ Man” na maganda ang ngiti at aura kapag ang magaganda at mayuyuming dilag, tulad nina Vice President Leni Robredo at Miss Universe Pia Wurtzbach, ang kaharap.
Mga kababayan, ano ang komento ninyo sa unang SONA ni His Excellency, este President Duterte pala, sa harap ng mga senador, kongresista, military at police officials, at diplomatic corps sa magkasanib na sesyon ng Kongreso? Okay lang ba sa inyo ang nilalaman ng kanyang SONA? Well, abangan na lang natin kung maipatutupad niya ang mga binanggit niya sa talumpati at ang kanyang mantra na “Change is Coming” (pagbabago) para sa ikauunlad at kapayapaan ng Pilipinas at ng may 100 milyong Pinoy.
Apat ngayon ang dating Pangulo ng Pilipinas. Sila ay sina Fidel V. Ramos, Joseph Estrada, Gloria Macapagal-Arroyo, at Benigno S. Aquino III. Imbitado silang lahat sa SONA ni Mang Rody. Walang absent si FVR sa pagdalo sa mga SONA kahit binanatan siya noon ni Erap sa kanyang SONA. Si GMA ay dumalo rin bilang dating pangulo at bilang isang kongresista.
Si PNoy ay nagpasabing hindi siya dadalo at imo-monitor na lang daw sa TV ang okasyon.
Samantala, matapos ang mahigit na apat na taong pagkakakulong (hospital arrest) sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) bunsod ng ‘di umano ay maanomalyang paggamit ng P366-milyong intelligence fund ng PCSO, nakalaya na rin si Aleng Maliit (GMA). Bagamat ang kanyang co-accused sa plunder case ay pinalaya nang lahat, nakapagtatakang siya ay nanatiling nakakulong gayong ang kasong pandarambong ay nangangahulugan ng sabwatan. Samakatuwid, kung binigyan ng piyansa o pinawalang-sala ang kapwa niya mga akusado, dapat ay palayain din siya. May haka-haka na hindi siya makalabas dahil takot ang mga hukom kay PNoy na galit sa kanya.
Hanggang ngayon ay hindi ko lubos na batid kung bakit sagad-langit ang pagkamuhi ni PNoy kay Aleng Maliit. May tinanong akong columnists at journalists, pero ‘di rin nila alam ang puno’t dulo ng nagliliyab na galit ng binatang dating Pangulo kay GMA. Ito kaya ay dahil sa: l. Paghirang niya kay ex-SC Chief Justice Renato Corona (midnight appointment); 2. Desisyon ng SC na ipamahagi sa mga magsasaka ang malawak na lupain ng Hacienda Luisita; 3. Nang magtungo sa Malacañang sina Tita Cory kasama si Archbishop Socrates Villegas noong 2004 para himukin siyang bumaba sa puwesto bunsod ng eskandalosong “Hello Garci” o pandaraya sa 2004 eleksiyon, pinamulagatan umano ni GMA si Tita Cory at sinabihang “Ikaw nga ‘di bumaba sa puwesto gayong 7 kudeta ang inilunsad laban sa iyo.” Espekulasyon lang ito, ngunit ano nga kaya ang tunay na dahilan kung bakit hindi mawala-wala ang galit ni PNoy kay Aleng Maliit?
(Bert de Guzman)