April 20, 2026

Home BALITA National

'Baka sirain pangalan niya!' VP Sara, tumangging pangalanan ka-tandem sa 2028

'Baka sirain pangalan niya!' VP Sara, tumangging pangalanan ka-tandem sa 2028
Photo courtesy: MB File Photo

Hindi nagbigay ng anumang detalye o pagkakakilanlan si Vice President Sara Duterte kung sino ang tinutukoy niyang inaawitang maging tandem o running mate sa pagkandidato bilang pangulo sa 2028, dahil baka "sirain" lang daw ang pangalan nito.

Sa panayam sa kaniya ng media, natanong si VP Sara kung ano ang mga hinahanap niyang qualification sa magiging kapartner kapag nagsimula na ang 2028 Presidential Elections.

"As I mentioned noong episode ng 'Ibalik Ang Tapang at Malasakit,' nabanggit ko roon na mayroon akong ni-recruit last year," anang Pangalawang Pangulo.

Pero aniya pa, hindi pa raw nagdesisyon ang tinutukoy na personalidad.

"But hindi pa siya nag-decide kung tatakbo siya for Vice President or hindi, so, antayin na lang natin 'yong desisyon niya, huwag na lang natin siyang guluhin, huwag na natin siyang pangalanan, kasi baka atakihin siya at sirain 'yong pangalan niya, so pabayaan natin siyang magdesisyon," paliwanag pa ng Bise Presidente.

National

Sen. Ping, planong pigain si Zaldy Co!

Matatandaang noong Pebrero, inamin ni VP Sara ang tungkol sa kaniyang "recruit" noon pang 2025.

“Ito sasabihin ko na lang ha, kasi tinanong n’yo na e. Ayaw ko rin naman na…may ni-recruit ako. Hanggang diyan lang ha. Hanggang diyan lang ang sasabihin ko. Ni-recruit ko siya last year pa,” ani VP Sara.

Saad pa ng Pangalawang Pangulo, hindi muna dapat pag-usapan ang nasabing personalidad, upang maprotektahan ito at mabigyan pa ng sapat na pagkakataong makapag-isip.

“Kaso, huwag na muna natin ‘yan pag-usapan. Protektahan natin ‘yong tao hanggang sa makapagdesisyon siya, kung anong gagawin niya sa karera niya,” aniya.

Maki-Balita: VP Sara, nakaraang taon pa naka-recruit ng running mate sa 2028 elections!