April 13, 2026

Home BALITA National

Rep. Leviste, binili bahay sa Germany na pinagsulatan ni Dr. Jose Rizal ng Noli Me Tangere!

Rep. Leviste, binili bahay sa Germany na pinagsulatan ni Dr. Jose Rizal ng Noli Me Tangere!
Photo courtesy: Leandro Legarda Leviste (FB)

Binili ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste ang bahay sa Wilhelmsfeld, Germany kung saan isinulat ni Dr. Jose Rizal ang mga huling kabanata ng nobelang Noli Me Tangere, bilang bahagi ng layuning mapreserba ang makasaysayang lugar at maitaguyod ang kasaysayan ng Pilipinas.

Ayon sa kongresista, sa kaniyang Facebook post nitong Linggo, Marso 15, plano niyang gawing museo ang naturang bahay upang maging bukas ito sa mga Pilipino at dayuhang nais malaman ang mahahalagang yugto ng buhay at mga akda ng isa sa mga itinuturing na dakilang bayani ng bansa.

Noong 1886, tumira si Rizal sa Wilhelmsfeld habang nag-aaral ng ophthalmology sa University of Heidelberg. Inimbitahan siyang manatili roon ng kanyang kaibigang si Karl Ullmer, isang pastor sa nasabing bayan.

Habang naninirahan sa lugar, doon din isinulat ni Rizal ang tulang A las flores de Heidelberg, na nagpapahayag ng kanyang pangungulila at paggunita sa Pilipinas habang siya ay nasa Germany.

Nagkaroon ng signing ceremony para sa pagbili ng bahay kamakailan, kung saan nakasama ni Leviste si Franz Hack Ullmer, apo sa tuhod ni Pastor Ullmer; ang mga kinatawan ng Protestant church na dating nagmamay-ari ng bahay; si Tobias Dangel, mayor ng Wilhelmsfeld; at si Herbert Ehses, Germany chapter commander ng Knights of Rizal.

National

Simula Abril 14: PBBM, ibinida ang malaking rollback sa presyo ng langis!

Bilang simbolo ng kasaysayan, ibinigay ni Dr. Ullmer kay Leviste ang isang lamesa na kahawig ng ginamit ni Rizal sa pagsulat ng *Noli Me Tangere*, kasama ang ilang bagay mula sa Rizal collection ng kanilang pamilya.

Ipinakita rin nina Mayor Dangel at Dr. Ullmer ang ilang lugar sa Wilhelmsfeld na nagbibigay-pugay kay Rizal, kabilang ang kanyang estatwa sa Rizal Park ng bayan. Ang kalye kung saan matatagpuan ang bahay ay pinangalanan ding "Jose Rizal Strasse" bilang pagkilala kay Dr. Rizal.

Ayon sa mga opisyal ng lugar, ipinagmamalaki nilang hanggang sa Germany ay may samahan ng Knights of Rizal na patuloy na nagbibigay-halaga sa kasaysayan ng Pilipinas.

Mula pa noong 1886, ang bahay ay nagsilbing tirahan ng mga pastor ng Wilhelmsfeld. Gayunman, matapos ang pandemya ng COVID-19 ay hindi na ito ginagamit.

Kalaunan ay inilapit ang usapin sa ina ni Leviste na si Sen. Loren Legarda. Dahil walang ibang nais bumili ng bahay upang mapanatili ang makasaysayang halaga nito, iminungkahi ng senadora sa kaniyang anak na bilhin ang ari-arian nang walang gagastusin mula sa pamahalaan.

Layunin ng proyekto na mapreserba ang isang mahalagang pook kung saan nahubog ang mga ideya ni Rizal—mga kaisipang naging inspirasyon sa pag-usbong ng kamalayang makabayan at kalaunan ay nag-ambag sa pagsiklab ng Himagsikang Pilipino.