Kapwa kritikal ang magkapatid na lalaki matapos tagain ang isa’t isa dahil umano sa mga damit na isinampay na nangahulog sa putik sa Malabon City, nitong Sabado ng hapon.

Unang isinugod sa Pagamutang Bayan ng Malabon sina Ariel Oliveros, 49, at nakatatanda nitong kapatid na si Renato, 54, kapwa naninirahan sa No. 5D Leono St., Barangay Tanong ng nasabing lungsod, bago tuluyang inilipat sa Jose Reyes Memorial Medical Center.

Parehong tadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan sina Renato at Ariel.

Ayon sa report ni PO3 Alexander Dela Cruz, dakong 3:15 ng hapon, isinampay ni Renato ang mga nilabhan niyang damit.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Maya-maya pa’y, dumating ang mga empleyado ng isang telecommunication company na ipinatawag ni Ariel dahil nasira ang kanilang Internet.

Sa kasagsagan ng pagkukumpuni, nasagi ni Ariel ang sinampay ng kanyang Kuya Renato at nahulog ang mga ito sa putik.

Galit na galit si Renato kay Ariel hanggang sa humantong sa mainitang pagtatalo at kumuha ng itak ang una at pinagtataga ang huli.

Kahit sugatan ay nagawa pa umanong maagaw ni Ariel ang itak sa kanyang kuya at ito naman ang kanyang pinagtataga.

Naawat ang magkapatid nang sumaklolo na ang kanilang mga kaanak. (Orly L. Barcala)