Panalo ang mga barangay tanod oras na maging batas ang panukalang isinulong ni Senator Panfilo Lacson.

Sa ilalim  ng Senate Bill 255 o “An Act Upgrading the Benefits and Incentives of Barangay Tanod Members Who Have Rendered At Least One Year of Service in the Barangay Government” na inihain ni Lacson, magiging malinaw na kung ano ang mga benepisyong matatanggap ng mga barangay tanod, maliban pa sa umiiral na patakaran ng Department of Interior and Local Government (DILG) para sa mga ito.

Makakatanggap ng Christmas bonus na kalahati sa mga tinatanggap ng mga barangay captain ang mga tanod na umabot na ng isang taon sa serbisyo sa barangay.

Pagkakalooban din ang mga ito ng pamahalaan ng insurance coverage na katumbas ng 75 porsiyento ng kaparehong benepisyo na tinatanggap ng mga punong barangay.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kasama rin ang 50 porsiyentong diskuwento sa matrikula ng kanilang mga anak o pinakamalapit na kaanak na pinag-aaral kung ang mga ito ay sa pambublikong institusyon pumapasok.

Pagkakalooban din ang mga ito ng libreng serbisyong legal buhat sa mga tagapagtanggol ng pamahalaan oras na asuntuhin ng sinuman habang gumaganap sa tungkulin na panatalihin ang kapayapaan sa pamayanan.

Sa kasalukuyan, tanging allowance buhat sa DILG ang natatanggap ng mga tanod kapalit ng kanilang serbisyo sa barangay na kinabibilangan ng madalas na pagpupuyat dahil sa pagroronda at pagsuong sa panganib sa pagsaway sa mga makukulit na kabarangay. - Leonel Abasola