Matapaos ang kabiguan sa unang tatlong laro, kinakailangan ng Lyceum of the Philippines ng inspirasyon na magbibigay sa kanila ng lakas sa ginaganap na NCAA Season 92 men’s basketball tournament.

“Mananalo rin yan,” ang optimistikong pahayag ni Pirates coach Topex Robinson matapos mabigo sa ikatlong sunod na pagkakataon sa panimula ng kanilang first round campaign.

At hindi naman nagkamali si Robinson sa kanyang tinuran dahil sa sumunod nilang laban, nakakuha ang Pirates ng inspirasyon mula sa kanilang rookie na si Ian Alban na siyang naging susi sa kanilang unang tagumpay na sinundan laban sa Jose Rizal University at College of St. Benilde, ayon sa pagkakasunod.

Dahil sa ipinamalas na kahanga-hangang performance, nakuha ni Alban ang boto ng mga mayorya ng mga bumubuo ng NCAA Press Corps para maging ikalawang ACCEL Quantum Plus -3XVI Player of the Week .

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nagtala ang dating manlalaro ng Our Lady of Fatima sa NAASCU ng 19 na puntos, 10 ay isinalansan sa final period para sa 69-66 upset na panalo kontra Heavy Bombers.

Kasunod nito, nagposte siya ng 21 puntos na performance kontra Blazers upang iangat ang Pirates sa barahang 2-3.

Para kay Alban, ayaw lamang niyang sayangin ang oportunidad na ibinigay sa kanya ni Robinson upang mapatunayan ang kanyang kapasidad bilang player.

Ngunit, hindi doon nagtatapos ang lahat dahil nais ng 21-anyos na guard na mas lalo pang pagbutihin at paangatin ang kanyang laro sa pamamagitan ng dobleng kayod sa ensayo.

“Last game nung JRU, tinext kagad ako ni Coach Topex na huwag ako makuntento sa isang magandang laro,” ani Alban.   

“Every practice after nun, mas hinihigitan ko pa yung practice ko para magtuloytuloy yung laro ko,” aniya.

Tinalo ni Alban para sa lingguhang citation si Davon Potts ng San Beda College. - Marivic Awitan