CAGAYAN DE ORO CITY – Sinalakay kahapon ng umaga ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at pulisya ang isang compound sa Barangay Kauswagan sa siyudad na ito at dinakip ang isang dating mayor na itinuturing na “queen” ng mga drug dealer bilang pangunahing supplier ng droga sa limang rehiyon sa Mindanao, gayundin ang asawa nitong Army major, at pitong iba pa.
Bitbit ang search warrant na ipinalabas ng Office of the Executive Judge ng Regional Trial Court ng Misamis Oriental, sinalakay ng mga operatiba ng PDEA at ng lokal na pulisya ang bahay ni Johaira Abinal Macabuat, alyas “Mayora Marimar”, at nakakumpiska ng nasa 200 gramo ng shabu at isang .45 caliber Remington pistol.
Nadakip din sa raid ang asawa ni Mayora na si Major Suharto Tambidan Macabuat, na nakatalaga sa Headquarters Support Group ng Philippine Army sa Fort Bonifacio, at pamangking si Sanny Santican.
Inaresto rin ang anim na iba pang nasa loob ng bahay ng mag-asawa.
Una nang binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte na isang “Mayora” ang isa sa pinakamalalaking drug dealer sa Mindanao.
Sinabi naman ni PDEA-10 Director Adrian G. Alvarino na posibleng ang dating alkalde ang “Mayora” na binanggit ng Pangulo sa isang panayam kamakailan.
Si Johaira Macabuat ay dating alkalde ng Maguing, Lanao del Sur.
Iniugnay din ni Alvarino ang umano’y “Drug Queen of the South” sa Abinal Group bilang pinuno nito.
Aniya, ang dating mayor ang nagsu-supply umano ng ilegal na droga sa Regions 10, 11, 12, Caraga, Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), at maging sa Metro Manila.