‘Amateur Terrorist’ nasawata sa Rio Olympics.

RIO DE JANEIRO (AP) — Kung nag-aatrasan ang maraming atleta dahil sa pangamba sa Zika virus, dagok sa Rio Olympics organizer ang tumataas na tensiyon sa isyu ng seguridad sa lungsod.

Kabuuang 10 Brazilian, napaulat na may simpatiya sa layunin ng Islamic State (IS) terrorist group, ang inaresto ng kapulisan nitong Biyernes (Sabado sa Manila) dahil sa paglalahad sa social media ng kanilang pagnanais na magsagawa ng kaguluhan sa Rio Olympics.

Ipinahayag ni Justice Minister Alexandre de Moraes na dinampot ang 10 sa kapitolyo ng Brasilia, nang mabulgar ang kanilang pag-uusap sa social media hinggil sa posibilidad na guluhin ang pagdiriwang ng Rio Games na nakatakda sa Agosto 5-21.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Ibinida ng kapulisan na maliit lamang ang kakayahan ng grupo na inilarawan nilang “amateur” na magsagawa ng pag-atake, ngunit masigasig ang kanilang paghahanda para mapigilan ang anumang uri ng terorismo na kahalintulad sa kaganapan sa US at Europe na gawa lamang ng iisang tao o “lone wolf”.

Ayon kay Moraes, kaagad na umaksiyon ang kapulisan nang maungkat ang usapan ng grupo sa pagkakaroon ng armas at paglalarawan sa taktika ng mga guerrilla para sa isang epektibong pag-atake.

“They were complete amateurs and ill-prepared” to actually launch an attack,” pahayag ni Moraes.

“A few days ago they said they should start practicing martial arts, for example.”

Aniya, walang direktang grupong binabantayan ang kapulisan, ngunit alerto sila sa anumang uri ng pagtatangka mula sa indibiduwal o grupo.

“The possibility of an attack is not so “far-fetched” even though Brazil has never been a target for terrorism,” pahayag ni Alex Kassirer, isang counterterrorism analyst mula sa Flashpoint.

“The Olympics is a really unique opportunity to be able to target a concentration of all of the enemies in one area,” aniya.

Nagmula ang mga inarestong suspek sa 10 lugar sa Brazil, kabilang ang Sao Paulo at Parana. Hindi pa malinaw kung ang mga naturang suspek ay magkakakilala o bahagi lamang ng social discussion. Hindi rin konektado ang mga suspect sa IS o may lahing Arabo.

Kabilang ang seguridad sa prioridad ng Rio Olympics organizer bukod sa maduming katubigan at tumataas na kaso ng Zika virus. Sa katunayan, may 85,000 pulis at sundalo ang ipinakalat at nagbabantay sa lahat ng venue na gagamitin sa Rio Games.