ISA kami sa mga natuwa sa pagkakapanalo ng Tres Kantos bilang grand winner sa We Love OPM: The Celebrity Sing-Offs.
Walang kaduda-duda- pangkampeon talaga ang kahusayan nila.
Pinatunayan ng grupo na mas may karapatan silang magwagi bilang kampeon at kinabog nila ang dalawa pang grand finalists na Oh My Girls at O Diva.
Sina Jovit Baldomino, Bugoy Drilon at Dominador Aviola ang bumubuo ng Tres Kantos at si Erik Santos, na naging grand champion din ng Star In A Million season one, ang kanilang coach.
Sa umpisa pa lang ay hataw na agad ang Tres Kantos at kitang-kita agad na malaki ang pag-asa na sila ang tatanghaling grand winner. Katunayan, first week pa lang ng labanan ay sila kaagad ang winner. Nakapa-powerful ng rendition nila sa popular song ni Martin Nievera.
Kahit mahuhusay na, nang mga sumunod na linggo ay kapansin-pansin ang transformation ng grupo na lalo pang nagustuhan ng live audience, ng mga hurado at mga nanonood sa kani-kanilang tahanan nang magpakitang-gilas sila hindi lamang sa kanilang vocal range kundi maging ang pagiging makabayan.
Nang awitin ng grupo ang Ryan Cayabyab song na Nais Ko, maging si Mr. C mismo ay hindi makapaniwala na kanta niya ang kanyang naririnig. Napakaganda naman kasi talaga ng pagkakaawit nila! Bagamat malayo sa orihinal na komposisyon ni Ryan Cayabyab, hindi naman sila lumayo sa original sound.
Hindi lang bagong arrangement ang naging kapuna-puna kundi maging ang costumes at props ng tatlo.
Mahusay rin naman ang nakalabang dalawa pang grupo ng Tres Kantos, pero higit na mas mataas talaga ang score na nakuha nila at malayo ang agwat sa dalawa. Pagpapatunay lamang na talagang mas nagandahan ang higit na nakakaraming bumoto sa grupo nina Jovit, Bugoy at Dominador.
Dalawang milyon ang napanalunan ng Tres Kantos at ang isang milyong kalahati ay ibinigay nila sa kanilang chosen charity institution. (JIMI ESCALA)